SENIOR CITIZENS PATAY SA KAWALAN NG TULAY

SENIOR CITIZENS PATAY SA KAWALAN NG TULAY

December 13, 2022 @ 1:12 AM 2 months ago


NAKALULUNGKOT ang pangyayaring ikinamatay ng senior citizens sa Tanay, Rizal.
Sa kaunting halaga ng ayuda na kanilang natanggap, nakitil ang kanilang buhay sa disgrasya sa pagtawid sa ilog, sakay ng isang pampasaherong dyip.

Kinailangan kasing tumawid ang anomang sasakyan sa ilang ilog sa pagpunta sa bayan, gayundin sa kanilang pag-uwi.

Dito na sila nadisgrasya.

Nang mabalaho ang dyip nilang sinasakyan, dumating bigla ang isang flashflood sa ilog na tumumba sa dyip at doon na sila nalunod, kasama ang isang bata na apo ng isa sa kanila.

Walo lahat ang namatay at walang nakaaalam kung ano ang nangyari sa tsuper ng dyip.

BUHAY, AYUDA NASAYANG

Anoman ang natanggap ng mga biktima, nawala lahat.

Ngayon, gagastos ang kanilang mga pamilya para sa lamay at libing.

Tiyak na pahirapan ang gastos para rito sa hanay ng mga walang-wala.

Isang pagkakagastusan ang mahal na serbisyo ng mga punerarya.

Pero ang pwesto sa sementeryo, sana ilibre na lang nina mayor.

At ang basbas at misa, sana gawin na ring libre ng mga pari, pastor o iba pa na lider ng mga relihiyong kinabibilangan.

TULAY HINAHANAP

Sabi ng mga residente, sana ay may gawing tulay ang gobyerno para hindi na maulit ang ganitong pangyayari na ikinasira ng buhay at ari-arian.

Isa pa, kung may tulay, uunlad ang buhay ng mga nakatira sa lugar dahil sa mabilis at ligtas na pangangalakal sa pagitan ng mga barangay at sentrong bayan.

Magbubunga rin ang tulay nang maayos na pagpasok ng mga bata sa mga mas mataas na antas ng edukasyon na kailangan sa malawakang pag-unlad.

Makatutulong din ng malaki ang tulay sa pamahalaan sa pagtugon nito ng tungkulin sa lahat ng panahon mula sa pagresponde sa kalamidad hanggang sa giyera sa krimen.

At magagamit ang tulay ng pamahalaan at mamamayan sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan para sa lahat ng bagay.