Senior citizens, PWDs ililibre sa parking fees

Senior citizens, PWDs ililibre sa parking fees

March 1, 2023 @ 11:52 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naghain ng isang panukalang batas si Senador Raffy Tulfo upang ilibre sa parking fees ang lahat ng senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa commercial establishment tulad ng malls at shopping centers.

Sa Senate Bill No. 1920 o Free Parking Act, sinabi ni Tulfo na layunin ng panukala na maging kumbinyente ang pamimili at maging accessible ang lugar sa dalawang sektor.

“We must adjust to the modern economic and political development in our cultural and socioeconomic change to the country and one of them is the emergence of the pay parking industry,” ayon sa explanatory note ng panukala.

“The cost of parking has already become a daily expense we can longer ignore and we must adopt measures and establish a program to ensure our citizens are assisted and appreciated by the country, in honor of their services and contribution to our society,” giit pa ni Tulfo.

Tatagal lamang ng tatlong oras ang free parking privilege sa lahat ng commercial establishment tulad ng retail store, shopping center o katulad na negosyo na nagbebenta ng produkto at serbisyo.

Hindi kasama dito ang overnight parking, ayon pa sa panukala.

Ipinaliwanag pa ng panukala na kapag hindi naman sapat ang parking space o wala silang parking space o hindi kontrolado ng commercial establishment ito, exempted naman sila sa pagbibigay ng libreng pagpaparada.

Kailangan magpakita naman ng identification ang sinomang senior citizen o PWDs kasama ang drayber at dapat may binili sa commercial establishment na hindi bababa sa halagang P500 o anumang halaga na itatakda sa implementing rules and regulations.

Papatawan naman ng multa na nagkakahalagang P10,000 na hindi hihigit sa P100,000 ang may-ari ng establisiyemento na lalabag sa batas sa unang pagkakataon; hindi bababa sa P50,000 na hindi hihigit sa P500,000 sa mga susunod na paglabag.

Babawiin naman ang business permit ng sinomang patuloy na lumalabag sa batas.

“The measure will offer the paying public a small break from the current wave of fuel, energy, commodity, and other price hikes that the average salary rate is unable to adequately cover,” paliwanag ng panukala. Ernie Reyes