Senior high student, patay sa pamamaril

Senior high student, patay sa pamamaril

March 6, 2023 @ 12:20 PM 3 weeks ago


SULTAN KUDARAT- Patay ang isang binatang senior high school student matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang sakay ng kanyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa bayan ng President Quirino.

Kinilala ang biktimang si Madjar Abedin, 21-anyos, grade 12 student, at residente ng Barangay Sinakulay President Quirino Sultan Kudarat.

Batay sa report ng President Quirino Municipal Police Station, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kanyang CRF na motorsiklo ang biktima kasama ang mga kaibigan na sakay din ng dalawang magkahiwalay na motorsiklo nang bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga suspek na sakay din ng Bajaj na motorsiklo.

Nagawang tumalon sa motorsiklo ng mga kaibigan ng biktima at nagtatakbo subalit hindi na nagawa pang makatakas ni Abedin dahil sa mga tama ng bala ng baril sa katawan nito.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang motorsiklo ng biktima.

Nagawa namang isugod sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikadarakip sa mga ito para managot. Mary Anne Sapico