Senior tigok sa motorsiklo ng Vice Mayor; Vice Mayor patay din sa paninikip ng dibdib

Senior tigok sa motorsiklo ng Vice Mayor; Vice Mayor patay din sa paninikip ng dibdib

September 24, 2022 @ 11:45 AM 2 months ago


ILOCOS SUR- Hindi na nagawang iligtas pa sa ospital ang isang municipal official ng Narvacan, Ilocos Sur matapos makaramdam ng hirap sa paghinga kahapon ng umaga, Setyembre 23.

Kinilala ang nasawi na si Vice-Mayor Joseph Tejada y Aquino, 32, residente ng Brgy. Quinarayan ng naturang bayan.

Bago ang insidente, ang nasabing opisyal ay sinasabing nagkaroon ng aksidente sa daan habang nakasakay siya sa Kawasaki 900 CC motorcycle.

Bumibiyahe umano sa national highway papuntang timog na direksyon ang naturang opisyal nang aksidente nitong mabangga ang isang 75-anyos na pedestrian sa Brgy. Langlangca 2nd, Candon City, Ilocos Sur.

Nakilala ang pedestrian na si Estelita Gacutan, 75, walang asawa, residente ng naturang lugar.

Nabatid na tumatawid si Gacutan galing silangan papuntang kanluran nang biglang dumating ang motorsiklo at mabangga ito.

Ang pedestrian ay agad na dinala sa Candon General Hospital ng mga rumespondeng miyembro ng BFP personnel ng Candon City.

Gayunman, ang pedestrian ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.

Boluntaryo namang sumuko sa Candon City Police Station si Tejada.

Nabatid na habang nasa police station si Tejada, bigla na lang siyang nakaranas ng paninikip ng dibdib kaya agad siyang isinugod sa ospital pero hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor.

Hinihinalang namatay sa cardiac arrest ang Vice Mayor.

Ikinalungkot naman ng Ilocos Sur Provincial Government at ng mga mamamayan ng Narvacan, Ilocos Sur ang maagang pagpanaw ni Tejada.

“Today our province lost one of the most dedicated and sincere public servants. Our deepest condolences to the bereaved family.” Ito ang inilabas ng Ilocos Sur provincial government na pahayag sa kanilang official Facebook page. Rolando S. Gamoso