Seniors papayagan lamang lumabas kung bakunado na ang 70% ng populasyon – Malakanyang

Seniors papayagan lamang lumabas kung bakunado na ang 70% ng populasyon – Malakanyang

May 31, 2021 @ 3:15 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Binigyang-linaw ng Malakanyang na hindi naman pinagbabawalan ang mga senior citizens lalo na’t kung “fully vaccinated” na ang mga ito laban sa covid 19 na lumabas ng kanilang tahanan.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, puwede aniyang lumabas ang mga senior citizens para bumili ng kanilang kinakailangan.

At kung kinakailangan aniya na pumunta sa mall at grocery para sa kanilang mga pangangailangan ay pinapayagan naman aniya ang mga ito na lumabas ng kanilang tirahan.

Bukod dito aniya ay pinapayagan din ang mga senior citizens na mag-ehersisyo para sa health promotion.

Kinakailangan aniya kasi na manatiling malusog ang mga senior citizens laban sa covid 19.

Subalit ang pagpapalabas aniya matapos na mabakunahan ay sinabi ni Sec. Roque na depende aniya ito kapag nakamit na ng Pilipinas ang population protection.

“Ibig sabihin, hindi lamang naman po ung nabakunahan ang kinakailangan na magkaroon ng proteksyon dahi kinakailangan na mas marami pa sa populasyon ang magkakaroon ng proteksyon dahil ang bakuna po is not a guarantee na hindi na kayo tatamaan ng covid. It is a guarantee na siguro ay hindi na kayo magkakasakit ng malala o hindi na kayo mamamatay pero iba po ang kondisyon ng mga seniors .. they are specially vulnerable. So, ang effect po ng bakuna sa isang malusog na kabataan ay hindi po kapareho sa isang matanda. So, let us veer on the safer side na hanggang wala pa pong population protection, habang hindi pa natin nababakunahan ang 70% ng ating populasyon .. stay home po muna ang ating mga lolo’t lola,” paliwanag ni Sec. Roque.

sa ulat, nakatanggap na ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19) ang 12 porsyento ng senior citizen sa bansa.

“Ang mga senior citizens, ito yung mababa, nasa nine to 12 percent palang so medyo kailangan natin bilisan ito kasi ito yung mga vulnerable, itong age group na ito na 60 and above,” ani DOH Undersecretary Leopoldo Vega.

“Kailangan natin hanapin yung mga matatanda para mabakunahan kasi kailangan natin mai-prevent yung death sa age group na ito. Malaki pa naman ang population nito,” dagdag nito.

Tinatayang 10 hanggang 20 milyon ang senior citizen sa bansa.

“So, malayo pa tayo, so kailangan aggressive talaga ang paghahanap sa mga senior citizens para sa bakuna,” aniya.

Magkakaroon ng special lane para sa A1 hanggang A3 sa sandaling magsimula na ang pagbabakuna sa A4 o mga essential worker.

Prayoridad ng gobyerno na mabakunahan ang mga may edad 40 anyos pataas sa ilalim ng A4 category. Kris Jose