‘Senseless killing’ sa batikang mamamahayag kinondena ng PTFOMS

‘Senseless killing’ sa batikang mamamahayag kinondena ng PTFOMS

October 4, 2022 @ 2:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hayagang kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang  “senseless killing” ng isang batikang mamamahayag at  kasalukuyang radio commentator ng DWBL na si Percy Lapid.

Sa ulat, tinambangan at pinagbabaril ang biktima pasado alas-8:30 kagabi, Oktubre 3, ng hindi pa nakilalang mga salarin na magkaangkas sa motorsiklo sa Las Piñas City.

Si Percival Carag Mabasa o mas kilala bilang ‘Percy Lapid’ ay tinambangan sa Aria St., Sta. Cecilia Village, Talon Dos, Las Piñas City, Lunes ng gabi.

“We at the Presidential Task Force denounce the murder of Percy Lapid and send our deepest condolences to the family, friends and colleagues of the victim,” ayon sa kalatas ng PTFOMs.

Tiniyak naman ng task force  na ” we will not rest until the perpetrators of this heinous crime are brought to justice.”

“There is absolutely no justification for murder,” dagdag na pahayag ng PTFOMs.

Base sa paunang ulat ng Las Piñas police, binaril ng dalawang beses si Mabasa ng riding-in-tandem sa gate ng Sta Cecilia, BF Resort, Las Piñas habang lulan ng kanyang itim na Toyota Innova, may plakang NGS8294.

Agad isunugod si Mabasa sa pinakamalapit na hospital, subalit idineklarang dead on arrival.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PTFOMS sa  Philippine National Police (PNP) at Media Security Vanguards,  para sa  imbestigasyon.

Ang PNP ay miyembro ng ahensiya na bumubuo sa PTFOMS.

Bagama’t masyado pang maaga para sa ma-establisa ang motibo ng insidente,  ipinagpalagay na ng  PTFOMS  na ang ginawang pananambang kay Lapid ay  “work related”,  “as a matter of procedure so that the full might of the Presidential task force will be brought to bear against the perpetrators.” ayon sa ulat. Kris Jose