Serbisyo ng Pinoy nars pinasalamatan ng OPS

Serbisyo ng Pinoy nars pinasalamatan ng OPS

October 24, 2022 @ 4:02 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinasalamatan ng Office of the Press Secretary (OPS) ang mga Filipino nurses sa Pilipinas at sa ibang bansa para sa naging serbisyo nito lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ang pahayag na ito ng OPS na naka-post sa kanilang official Facebook page ay bahagi ng pagbati sa ginagawang pag-obserba ng bansa sa Nurses’ Week ngayong buwan ng Oktubre.

“Taos-pusong nagpapasalamat ang Office of the Press Secretary sa ating mga nars sa bansa at sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” ayon sa OPS.

“‘Di mapapantayan ang husay at malasakit na kanilang ipinamalas lalo na nang dumating ang COVID-19 pandemic,” dagdag na wika nito.

Nanawagan naman ang OPS sa publiko na magpakita ng pagkilala sa mga Filipino nurse para sa naging sakripisyo ng mga ito.

Ang Nurses’ Week ay ipinagdiriwang tuwing huling linggo ng Oktubre sa bisa ng Proclamation No. 539 na nilagdaan ni dating Pangulong Carlos Garcia noong Oktubre 17, 1958.

Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkakaroon ng pantay na sahod ang mga nurse sa pampubliko at pribadong ospital.

“As part of our goal to raise the profile and improve the working condition of nurses, we seek to address the disparity in salaries between nurses in government hospitals with those in the private sector,” pahayag ng Pangulo sa 65th Nurses Week at 100th anniversary celebration ng Philippine Nurses Association (PNA) na ginanap sa Manila Hotel sa Maynila.

Nabatid na ang mga nurse sa mga pampublikong ospital ay kumikita ng P30,000 hanggang P40,000 kada buwan habang P8,000 hanggang P20,000 lang umano ang sahod ng mga nurse sa mga pribadong ospital.

Kinilala rin ng Pangulo ang naging ambag ng mga Pinoy nurse na pinaganda ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa kanilang serbisyo at pag-asikaso sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID noong panahon ng pandemya.

Samantala, nangako naman ang Pangulo na magbubukas ng mas maraming slots para sa deployment ng mga nurses sa ibang bansa habang pinaghuhusay ang domestic opportunities.

Suportado rin nito ang pagpapasa ng House Bill 9389 o New Philippine Nursing Practice Act na may mandato na bigyan ng karagdagang proteksyon at isulong ang development ng nursing profession sa bansa.

Muling binanggit ni Pangulong Marcos na noong tinamaan siya ng COVID-19 noong 2020 ay gumaling siya at iba pang pasyente na dinapuan din ng virus dahil sa mahusay na pangangalaga ng mga nurse. Kris Jose