SERBISYO PUBLIKO HIGIT NA PALALAKASIN NG PCG AUXILLARY

SERBISYO PUBLIKO HIGIT NA PALALAKASIN NG PCG AUXILLARY

August 2, 2022 @ 7:09 PM 2 weeks ago


HIGIT na pagtutuunan ng pansin ng Philippine Coast Guard Auxiliary ang paghahatid ng serbisyo publiko bilang suporta nito sa PCG o sa Philippine Coast Guard.

 Ito ang nagkakaisang tinig ng mga dumalo sa 37th PCGA National Convention na ginanap sa Lapu-Lapu city nitong July 22 at 23 kasabay ng 50th founding anniversary ng civilian volunteer arm.

 Naging panauhing pandangal si PCG commandant, CG admiral Artemio Manalo Abu na nagpahayag ng kanyang taus-pusong pasasalamat sa bawat miyembro ng PCGA na tinawag nitong “modern day heroes” dahil sa paglalaan ng mga ito ng kanilang oras, talento, at kakayahang pinansiyal para makatulong sa pagliligtas ng buhay at mga ari-aian sa mga katubigan, at sa konserbasyon ng ating mayamang marine resources.

 Binigyang-diin pa ng PCG commandant ang sakripisyo ng mga PCGA sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 na hindi inalintana ang virus sa ngalan ng paglilingkod sa bayan at sa kapwa.

 Sa pangunguna ni PCGA national director, auxiliary vice admiral Manuel Luis Idquival, nangako naman ang mga miyembro ng PCGA na patuloy na aagapay sa PCG para magampanan nito ang kanyang mandato.

 Sabi pa ni auxiliary vice admiral Idquival, makakaasa ang PCG na magiging simbolo ng pag-asa at karangalan ang PCGA na patuloy na maghahatid ng kinakailangang tulong nito, maging ito ay manpower, expertise o resources.

 Kinilala rin ni CG commandant Abu ang higit kumulang 20,000 na mga miyembro ng PCGA sa nakalipas na 50 years.

Ang PCGA ay boluntaryong civilian arm group ng PCG na isang “force multiplier” para sa pagsasagawa ng mga coastal clean-up drives, scuba diving operations for marine environmental preservation, humanitarian assistance, bloodletting, medical missions, at disaster response operations.

Ani pa ni PCG commandant Abu, hindi kayang tumbasan ng pananalapi ang bawat inilaan at ilalan pa ng PCGA dahil sila ay priceless.