SERBISYO SA NASALANTA, HINDI BANGAYAN

SERBISYO SA NASALANTA, HINDI BANGAYAN

November 22, 2020 @ 12:15 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

HANGGANG ngayo’y hindi pa rin matapos-tapos ang bangayan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo kaugnay sa iba’t ibang isyu sa pamamalakad at pagtulong sa ating mga kababayang nasalanta ng nagdaang bagyo.

Serbisyo po ang pangunahing kailangan ng ating mga kababayang biktima ng bagyong Ulysses at hindi ang patutsadahan na patuloy na namamayani sa dalawang kampo.

Pakiusap po, tumabi na muna ang mga sipsip at sulsol sa dalawang lider ng ating bansa upang umusad ang karampatang tulong na hinihintay ng ating mga kababayan.

Magtulungan na po tayo at huwag intindihin ang ilang opisyal na nakapaligid na pawang may kanya-kanya lamang pansariling interes sa pulitika.

Tunay na bayanihan po ang ating kailangan, kayo lamang ang aming inaasahan sa panahong lugmok ang mga kababayan nating taga-Luzon na pinadapa ng malalakas na bagyo.

Pagkakaisa at pagtutulungan ang kailangan, sagipin natin ang ating mga kababayan.

Pagbabalik sigla ng Baguio

Kudos kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa patuloy na pagpupursige nitong malabanan at mapababa ang mga kaso ng COVID-19 sa kanyang siyudad.

Aba, unti-unti nang nagbabalik-balik ang dating sigla ng top tourist destination ng Baguio City dahil sa effort at pakikipagtulungan din ng mga constituent ni Mayor Magalong na sumusunod sa mga alituntuning ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.

Kamakailan nga ay ipinarating ni Mayor Benjie na patuloy ang pagbaba ng kaso ngayong buwan kumpara noong Oktubre dahil sa ipinatupad nilang safety protocols at maayos na contact tracing para sa kanilang constituents at mga bisita.

Mas pinalakas din ang patuloy na serye ng intervention na ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Baguio City upang mapigilan o maiwasan ang pagtaas pa ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Sinabi ni Mayor Benjie na malaking bagay rin ang leadership ng mga local government unit sa pagsugpo sa nakamamatay na sakit dulot ng virus dahil hindi naman maaaring iasa lamang ito sa national government ang lahat ng desisyon.

Inamin naman ni Mayor Benjie na malaki ang naging epekto talaga ng pandemic sa tourism industry ng Baguio City kung saan noong 2019 ang kanilang turismo ay umabot sa 1.7 milyon subalit dahil sa pandemic, umabot na lang ito ngayon ng halos 90 libo.

Pero hindi nawawalan ng pag-asa si Mayor Benjie dahil sa magandang resulta na kanilang ginagawa para manumbalik ang sigla ng Baguio City.

Hindi lamang pala sa turismo ang naapektuhan kundi maging ang kita ng mga negosyante at trabaho ng mga manggagawa ay lubhang tinamaan.

Paalala lang po sa mga nagnanais pa ring umakyat ng Baguio, sa ngayon po ay kinakailangan pa rin ng pre-registration sa pamamagitan ng kanilang official website na www.baguio.gov.ph at kailangan din pong magpakita ng resulta ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction test o antigen tests sa loob ng 72 oras kundi man ay kailangan pong sumailalim sa tests pagdating sa naturang siyudad.

Nawa’y tuloy-tuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 hindi lamang sa Baguio kundi maging sa ibang panig ng bansa upang muling bumalik na ang sigla ng ekonomiya at muli tayong makabangon sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.

—000—000—000—

Para sa inyong komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag-text sa ating 1-Ang Edukasyon Partylist Hotline: 0927.930.25.81 at makaaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.


  •  
  •  
  •  

Loading...