SERBISYONG ALL-41 NG TODA PARTYLIST

SERBISYONG ALL-41 NG TODA PARTYLIST

May 6, 2022 @ 10:19 AM 2 months ago


Tunay na hindi lamang tricycle drivers at operators ang ma­kikinabang sa mga inisyatiba at batas na isusulong sa Kongreso ng TODA partylist, numero 41 sa balota.

Isa na sa mga batas na ito ang muling pagbabalik ng implementasyon ng Oil Price Stabilization Fund o OPSF na ma­laking tulong para sa lahat ng Pilipinong kumukonsumo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Sa tulong kasi ng OPSF, hindi na maipapasa pa sa mga konsyumer ang biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan na ngayo’y matinding pa­bigat sa marami sa atin, partikular na sa mga kababayang nasa linya ng pamama­sada.

Magmumula naman ang pondo ng OPSF sa buwis na ipinapataw ng pamahalaan sa produktong petrolyo na magsisilbing reserbang mapag­kukunan ng ipambabayad sa oil companies sa panahong kailanganin ito.

Batid naman nating ang kakambal ng pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang mga binabiyahe pa mula sa malalayong lugar patungo sa iba’t ibang pamilihan.

Gamit ang OPSF, maiiwasan ang iba pang domino effect dulot ng mataas na pres­yo ng produktong petrolyo na ta­lagang mapakikinabangan ng sambayanang Pilipino.

Ngunit siyempre, sentro ng mga programa at inisyatiba ng TODA partylist ang sektor ng tatlong gulong na matagal na panahon nang hindi nabibig­yan ng naaayong pansin.

Kaya magpahanggang sa ngayon, kinahaharap pa rin nila ang matagal nang suliranin sa kanilang pang araw-araw na pamamasada.

Upang tulungan sila, ilan sa mga programang isusulong ng TODA partylist para sa mga tricycle driver ang pagrerehistro sa kanila bilang aktibong mi­yembro ng SSS at Pag-IBIG, pagkakaloob ng scholarship grant sa isa sa kanilang mga anak, pagbibigay ng health at accident insurance para sa kanila, at marami pang iba.

Kaya naman inaasahan na sa unang pagkakataong ito na mayroon nang kakatawan sa mga tricycle driver at operator sa Kongreso ay magsasanib pwersa ang kapisanan ng mga TODA sa Pilipinas at makikibahagi para maging tagumpay ang labang ito.