Serial killer, puting van sa likod ng serye ng mga pandurukot pinabulaanan ng PNP

Serial killer, puting van sa likod ng serye ng mga pandurukot pinabulaanan ng PNP

August 24, 2022 @ 2:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang kumakalat na impormasyon na isang serial killer o criminal group sakay ng puting van ang nasa likod ng mga pandurukot at pagpatay kamakailan sa bansa.

Inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na iba’t iba ang suspek sa mga insidenteng ito at iba’t iba rin ang kanilang motibo.

“Kung titignan natin ‘yung mga circumstances dito sa mga nangyaring sunod-sunod na pagkaka-discover ng cadaver pati na nga ‘yung pagdukot at later on nakitang patay, wala po tayong nakikita na serial killer dito dahil iba-iba kasi ‘yung involved dito at iba-iba ang motibo,” aniya.

“Pati na rin ang kumakalat sa social media na sinasabi na meron isang white van na nandurukot, wala pa po tayong nare-record na ganyang insidente,”  dagdag niya.

Kabilang sa mga ulat na ikinatakot ng publiko ay ang pagkawala ng 25-anyos na lalaki na dinukot umano sa Taal, Batangas, at natagpuang patay sa Sariaya, Quezon, ayon sa Police Regional Office 4A.

Mayroon ding kaso ng isang edad 34 na lalaki na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Batangas at hanggang sa ngayon ay nawawala.

Dahil dito, sinabi ni Fajardo na iniatas na ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin sa field at regional directors na paigtingin ang security measures sa mga nasasakupang lugar, maging sa mga barangay at mga mall.

“Asahan niyo po na hindi ito ipagwa-walang bahala ng PNP at gusto naming ma-preempt at ma-prevent itong mga ganitong insidente… Asahan niyo po na pipilitin at gagawin ang lahat ng PNP para ma-solve at madakip ang responsable dito sa mga ganitong insidente,” panawagan niya. RNT/SA