Serye ng kidnapping, paiimbestigahan ni Poe

Serye ng kidnapping, paiimbestigahan ni Poe

September 10, 2022 @ 1:02 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain ng isang resolusyon si Senador Grace Poe na humihiling sa Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng imbestigasyon sa sunod-sunod na kidnapping, hindi lamang sa Kamaynilaa, kundi maging sa ibang panig ng Luzon.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na iniulat ni Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) President Lugene Ang na umabot na sa 56 kidnapping incidents ang naitala na kinabibilangan ng ilang Filipino at Chinese nationals kabilang ang bata. Wala sa bilang ang hindi naiulat na insidente.

“An abduction case is one too many. We cannot allow this situation to threaten our people’s safety and trample on our efforts to help them get through the difficult times,” himutok ni Poe.

Idenetalye pa ng PCCII, ayon kay Poe, “na masahol pa sa hayop ang kidnappng. Gumagamit sila ng torture at intimidasyon, panggagahasa sa kababaihan at magpapadala ng videos sa kaanak ng biktima na humihingi ng malaking halaga ng ransom. Sa ibang kaso, ibinebenta ang biktima sa ibang kidnapping groups. Walang uliran at hindi maarok ng pang-uunawa ng sangkatauahn ang mga ito.”

Itinala ni Poe sa kanyang resolusyon na “Isa sa mga kaso nito ang pagdukot at pagpatay kay Eduardo Tolosa Jr., isang pharmaceutical executive na napaulat na sinunog sa loob ng tatlong araw mga kidnappers pagkatapos huling makitang buhay sa loob ng kanyang Toyota Land Cruiser nang kumuha siya ng P5.7 milyong cash at dalawang mamahaling relos sa Bonifacio Global City.”

Isa pang hindi nalulutas na kaso ang kumakalat na traffic video na may titulong “Kidnapping sa Skyway galing airport” na mayroong tatlong di kilalang sasakyan ang pumapalibot sa isang puting van sa Skyway at nakita ang mga kalalakihan na binubuksan ang nasukol o napapaligirang puting van, ayon pa sa resolusyon ni Poe.

Ngunit, pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Jose Chiquito Malayo ang bilang dahil umabot lamang sa apat na naitalang insidente ng pagdukot sa taong kasalukuyan na kung saan may kaugnayan ang isa sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), na pawang dayuhan ang dumukot.

Makalipas ng ilang araw, pinabulaanan ang datos ni Malayo nang iulat ang PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) na tumaas ng 25 porsiyento ang bilang ng kaso ng kidnapping na kinasasangkutan ng ilang kompanya ng POGO.

Iniulat ng AKG na umabot sa 27 insidente ng kidnapping ang naganap mula Enero hanggang Setyembre na may 15 POGO-related incident, 11 kidnapping-for-ransom cases at isa ay casino-related case.

Inihayag naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hindi binabalewala ang posibilidad na may kaso ng kidnapping ng POGO workers na hindi naiuulat sa awtoridad.

Kaya’t iginiit ni Poe sa kanyang resolusyon,”May mahigpit na pangangailangan na matukoy ang kalagayaan ng mga kasong ito, posibleng motibo, pagkilos na isinasagawa ng ahensiya na matukoy ang salarin at pamamaraan na nilikha ng awtoridad upang maiwasan ang pagpapatuloy sa pagtaas ng abduction cases sa bansa.

“Mayroon din pangangailangan na patunayan ang hinala na ilang dayuhan ang nagsasagawa ng ganitong uri ng krimen,” giit ni Poe. Ernie Reyes