Sex ni misis, ‘boylet’ huli ni mister

Sex ni misis, ‘boylet’ huli ni mister

February 26, 2023 @ 3:44 PM 4 weeks ago


Bulacan – Arestado ang 36-anyos na ginang at ang kanyang umano’y kalaguyo na naaktuhang katatapos lang magtalik sa pagsalakay ng pulisya sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang mga suspek sa alyas na Beverly, social safeguard specialist, residente ng Brgy. Gaya-gaya at Marlo, residente ng Brgy. Sto. Cristo.

Sa report ni SJDM police station acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, nangyari ang insidente bandang 3:29 ng hapon nitong Pebrero 24 sa Northwinds subdivision, Brgy. Sto. Cristo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang biktimang mister na itinago sa pangalang “Chris” ay bistado na ang ginagawang milagro ng kanyang maybahay at ng ‘boylet’ nito.

Alam ng biktima na ang dalawa ay matagal-tagal na ring nagsasama kaya minanmanan niya itong mabuti para makakuha ng mga sapat na ebidensiya.

Nang makakuha ng romantic photos sa dalawa at makatiyempo ay agad itong humingi ng saklolo sa Police Community Precinct 5 ng SJDM police.

Dahil dito, rumesponde sa itinurong pugad ng mga suspek ang mga pulis na napag-alamang kapwa katatapos lamang maabot ang rurok sa pagniniig ng mga ito kaya agad silang inaresto.

Sa tantiya ng biktimang mister, nasa limang buwan nang nagsasama sa kanilang pugad o nirentahang bahay ang dalawang suspek.

Nahaharap ang mga ito sa kaukulang kaso habang nakakulong sa pugad na may rehas na bakal sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III