SEX TOURISM AT HIV

SEX TOURISM AT HIV

February 17, 2022 @ 8:21 AM 4 months ago


NAGSILABASAN ngayon ang mga ulat na mayroong napakabagsik na uri ng human immunodeficiency virus (HIV) na nagpapabilis ng pagkabuo ng acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) na ikinamamatay ng biktima.

Dapat na isama ito sa usapang turismo na nagsimula nang binuksan Pilipinas simula nitong Pebrero 10, 2021, partikular sa mga dayuhang mula sa 34 visa free countries, kasama na rin ang mga Pinoy mula sa iba’t ibang bansa.

Sa ulat na rin mismo ng Department of Tourism, nasa 10,000 na ang dumating sa bansa na mga dayuhan at Pinoy.

Sa 5,074 na dayuhan, may 2,227 nanggaling sa United States, 661 sa Canada, 404 sa Australia, 344 sa United Kingdom, 189 sa Korea, 169 sa Japan at 168 sa Japan.

SEX TOURISM

Hindi na bago ang industriyang sex sa mahal kong Pinas.

Noong panahon na may mga base militar pa ang bansa, kapag dumating ang isang naval fleet na may 30,000 taong militar sa Subic Naval Base, dumarayo sa lugar, kasama ang Clark Air Base, mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang nasa 100,000 sex worker para tugunan ang pangangailangang sekswal ng mga militar.

At sa Subic-Olongapo area pa nga ang pinagmulan ng HIV-AIDS noong 1984 na kumalat na sa Pinas makaraan.

Ngunit ang relasyong sekswal sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan ang tinatamaan.

Sa paglipas ng panahon at nitong nagdaang mga taon, relasyong lalaki sa lalaki na ang nangungunang pinagmumulan ng HIV-AIDS nang maging bukas na bukas na ang buhayLGBTQ o lesbian, gay, bisexual, transgender at iba pa.

Maituturing na bahagi ng sex tourism ang rest and recreation noon ng mga Kanong militar sa mga base military at naging sikat ang Pilipinas makaraan na isa sa sex tourism countries hanggang sa dumating ang pandemyang likha ng coronavirus disease-19.

MATAAS NA KASO

Habang sinasabing bumababa ang mga kasong HIV-AIDS sa ibang bansa, kaiba naman sa Pinas.

Pataas nang pataas ito at iniuugnay ito sa relasyong lalaki sa lalaki ngunit hindi naman gaanong napag-iiwanan ang relasyong babae sa lalaki.

Sa ngayon, ayon sa UNAIDS data, may 97,000 nang buhay na biktima ng HIV simula noong 1984 habang 4,787 na ang namamatay hanggang Marso 2021, ayon naman sa HIV/AIDS & ART REGISTRY of the Philippines.

At ngayong muling nabuksan ang turismong pandayuhan, posibleng magpatuloy ang mataas na mga kaso ng HIV-AIDS lalo’t malaki ang kita ng mga sex worker mula sa mga dayuhang nag-aalok ng salapi kapalit ng sex.

Kaya naman, dapat kasama sa mga pag-uusapan kung paano kontrolin ang pagdami ng mga magkakasakit dulot ng industriyang turismo na may halong industriyang sex.

Hindi sapat na ikalat ng mga awtoridad ang mga libreng condom para sa pagtatalik at gamutin ang mga nagkakasakit.

Magandang gumawa nang paraan na mapigilan o makontrol nang husto ang sex tourism na isa sa pinagmumulan ng nakamamatay na sakit.

Makatutulong din nang malaki rito ang mga opisyal ng pamahalaan na, tanggapin man nila o hindi, may-ari o may impluwensya sa mga establisimyento na nakatuon sa sex tourism para kumita ng limpak-limpak na salapi.