‘Sexual activity’ mitsa ng 95% kaso ng monkeypox sa mundo

‘Sexual activity’ mitsa ng 95% kaso ng monkeypox sa mundo

August 1, 2022 @ 3:48 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na 95 porsyento ng kaso ng Monkeypox sa buong mundo ay naisasalin sa pamamagitan ng sexual activities.

Gayunman, nilinaw ni Vergeire na ang monkeypox virus ay hindi kinokonsiderang sexually transmitted disease.

“Hindi ho siya classified as a sexually transmitted disease. Although ngayong nag-evolve na itong virus na ito, itong monkeypox virus, maaari na itong makuha sa sexual contact. Actually, 95% of cases right now globally are through sexual contact nakuha,” sabi ni Vergeire sa isang panayam sa radyo.

Ayon sa World Health Organization (WHO) naikakalat ang monkeypox tuwing “mayroong close skin-to-skin contact habang nakikipagtalik kabilang ang kissing, touching, oral at penetrative sex sa isang tao na mayroong sintomas.

Sinabi rin ng WHO na sinumang makakuha o makapanghawa ng Monkeypox anuman ang kanyang kasarian.

Noong Biyernesa lamang nang inanunsyo ng DOH na nakapagtala na sa bansa ng kauna-unahang kaso ng monkeypox sa isang 31 taong gulang na pasyente na dumating sa bansa noong Hulyo 19.

Siya ay nagpositibo sa sakit noong Hulyo 28.

Hulyo 23 naman ng ideklara ng WHO ang monkeypox bilang “public health emergency of international concern”.

Sinabi ni Vergeire na may naitalang namatay sa monkeypox at ang mga
immunocompromised, pregnant women, at senior citizens ay maaaring mas vulnerable sa virus.

Paalala ni Vergeire sa publiko, sumunod sa health protocols laban sa COVID-19 upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa monkeypox virus.

Samantala, sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na mas mapanganib pa rin ang kumpara sa monkeypox dahil ang mga nanawagan nito ay normal ding gumagaling pagkatapos ng 21 hanggang 28 araw.

Sinabi pa ni Vergeire sa isa pang hiwalay na panayam na ang bansa ay may kakayahan na ma-detect ang mga kaso ng monkeypox kung saan ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay nakakapag-test ng hanggang 1,000 samples kada araw .

“Yes, we are very capable of detecting this virus. We have the capacity of testing 1,000 samples for RITM,” sabi ni Vergeire sa CNN news.

“Ngayon, kina-capacitate na natin ‘yuung sub-national laboratories natin sa ibang regions natin para lahat ay magkaroon and the access will be improved (right now, we are capacitating our sub-national laboratories in other regions so they could also have access to testing monkeypox samples),” dagdag pa niya.

Noong Hunyo, isang real time polymerase chain reaction (PCR) assay ang na-set up ng RITM para matukoy ang mga posibleng kaso ng monkeypox virus sa bansa.

Hindi tulad ng COVID-19, sinabi rin ni Vergeire na ang mga high-risk na indibidwal lamang, at hindi lahat, ang kailangang mabakunahan laban sa monkeypox.

Nauna na ring sinabi ni Vergeire a nakikipag-ugnayan na ang DOH sa WHO para sa posibleng procurement ngbakuna laban sa monkeypox.

Dagdag pa niya na ang United States Food and Drug Administration (US FDA) ay nairehistro na ang bakuna sa bulutong bilang isang tool na gagamitin laban sa virus na ito, ngunit limitado pa rin ang mga supply. Jocelyn Tabangcura-Domenden