SHABU PANTAYA SA SUGAL

SHABU PANTAYA SA SUGAL

August 3, 2018 @ 7:51 PM 5 years ago


Una kong mabalitaan na ipinantataya ang methamphetamine hydrochloride o shabu sa iligal na sugal sa Padilla, Antipolo City.

Sa cara y crus pa umano ipinantataya ang shabu.

Hindi raw ito natigil sapagkat hindi naman naglulunsad ng operas­yon laban sa iligal na droga ang pulisya ng Antipolo sa Padilla.

Kagulat-gulat sapagkat ipinapakita lamang ng sumbong sa akin na talagang napakatalamak na ng iligal na droga sa bansa.

Ngunit, hindi lang pala sa Padilla nangyayari ang ganyan kundi  maging sa ilang barangay sa Angeles City at San Fernando City na kapwa nasa Pampanga.

Ayon sa impormante, ang matagal nang namamayagpag na mga pa-drop ball at pa-color games ni Rosvie Q sa Brgy. Pampang at Brgy. Salapungan ng Angeles City at Brgy. San Agustin ng San Fernando City, pero hindi ito ginagalaw ng pulisya kahit mara­ming pagkakataon na may mga mananaya na ibinubulong daw sa bantay ng mga nasabing iligal na sugal ni Rosvie na ‘bato’ ang taya.

Ibig sabihin, dalawang iligal ang umiiral  sa dalawang lungsod, ngu­nit hindi kumikilos ang mga alagad ng batas.

Mga hepe ng pulisya ng Angeles at San Fer­nando, magsikilos naman kayo dahil hindi na tama ang nagaganap sa mga teritoryo n’yo.

Alamin n’yo na rin ang iligal na pasugalan ni Ricky Q para malaman na tumigil muna saglit.

Naku po, isa pa sa ba­tikan sa drop ball at color games ang mamang  ito, pero hindi rin nagagalaw ang mga iligal nitong pasugalan kahit parang panindang nakalatag sa bangketa.

DAPAT LANG MAGSUOT NG FILIPINIANA

Tama si Quezon City Vice-Mayor Joy Belmonte sa panawagan nito sa mga opisyal ng pamahalaan na magsuot ng Filipiniana.

Sa ganitong paraan ay nakatutulong ang mga opisyal sa pagpapalaganap ng produkto at isa sa mga simbolo ng pagiging Filipino natin. Sabi nga ni Belmonte: “I think it is one of our duties to promote and preserve our local traditions.”

Hindi ba’t tama at nararapat lang na magsuot ng Filipiniana ang mga opisyal ng pamahalaan? – BADILLA NGAYON NI NELSON S. BADILLA