SHABU RITO, SHABU ROON, KAHIT SAAN MAY SHABU!

SHABU RITO, SHABU ROON, KAHIT SAAN MAY SHABU!

February 7, 2023 @ 1:30 PM 2 months ago


NGAYONG mainit na namang pinag-uusapan ang problema sa droga ng bansa, hindi ko maiwasang muling manumbalik sa aking isipan ang ‘drug war’ noon na idineklara ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Marami ang hindi pumabor – isa na tayo – sa marahas na pakikipaglaban ng noo’y Duterte Administration na maraming ‘drug personalities’ at alagad ng batas ang nagbuwis ng buhay.

Nguni’t sa isang banda, ang matapang na estilong pinairal ng dating Presidente Duterte sa kanyang giyera sa droga ang naging daan para matakot ang mga drug lord kaya dumalang ang supply ng shabu sa kalsada.

Pero ang drug war ni dating PRRD ay bahagi na lamang ng kasaysayan subalit hindi maitatago ang katotohanang marami ang makami-miss sa style ng pamamahala nito sa kanyang kampanya laban sa salot sa lipunan.

Totoo, marami ngayon ang nais na maibalik ang estilo ni Tatay Digong kung usapin din lang ay pagsugpo sa droga.

Kasi nga, ang shabu ay lima-singko na lang ngayon kahit saan at lantarang ibinebenta sa mga kalsada.

Noon, marami ang naiinis pero ngayon marami ang nami-miss ang ginagawang huli rito, huli roon ng mga pulis , aba’y nakaka-miss yong huli dito, huli doon ang mga pulis noong si Tatay Digong ang pangulo kaya dumalang ang shabu.

Saganang atin, dapat ay mag-ala Duterte si Pangulong Bongbong Marcos laban sa patuloy na lumalalang iligal na droga subalit kalinagang tanggalin yung nangyaring patay dito, patay doon scheme ng nakaraang pamunuan.

Sa tamang pamamaraan, naniwala tayong mareresolba ang ‘drug problem’ nang walang magbubuwis ng buhay basta maging totoo lamang ang Philippine National Police sa kanilang tungkulin.

Hindi lalago ang negosyong illegal drugs kung walang opisyal o miyembro ng PNP na nagpasusuhol sa mga drug lord, yan ang katotohanan na open-secret sa pulisya.

Kaya tama si Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa pakisuyo niyang ‘courtesy resignation’ ng lahat ng third level officials – mga heneral at colonels – para sa nakaambang internal cleansing sa pambansang pulisya.

Shabu rito, shabu roon, kahit saan ay may shabu. Ang isasagawang ‘internal cleansing’ sa PNP ni Abalos na kaya ang sagot para matuldukan na ang problema ng droga sa bansa?

Abangan!