SHABU SA MARMOL TILE DAPAT NANG BANTAYAN

SHABU SA MARMOL TILE DAPAT NANG BANTAYAN

August 29, 2022 @ 9:18 AM 1 month ago


ANG gagaling talaga na gumawa ng paraan ang mga anak ng putakteng druglord sa pagpapasok ng shabu sa alinmang bansa.

Kung uso ngayon ang paggamit ng mga tsaa o tea bag, aluminum na tubo at iba pa sa mahal kong Pinas, marble tiles naman ang nadiskubre sa Australia.

MULA SA UAE

Nadiskubre ang dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng $1.1 bilyon sa salansan ng marble tiles sa Australia nitong nagdaang mga araw lamang.

Dumating sa Port Botany, Sydney, Australia ang 24 container ng marmol na sakay ng barko mula sa United Arab Emirates at ipinadala sa isang pabrika ng marmol.

Nag-iimbestiga na ang mga awtoridad kung ilang beses nang ginamit ang nasabing pabrika sa pagpapasok ng shabu.

Nauna rito, nakadiskubre ang mga Australiano ng nasa 1.8 toneladang shabu na nakasilid naman sa mga speaker ng mga sound system.

MERON DIN KAYA SA PINAS?

Kung mapapansin ninyo, mga Bro, naglipana ang mga tile na marmol at plastic sa Pinas.

Paano kaya kung silipin din ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation, Philippine National Police at iba pa nating mga awtoridad ang mga dumarating na marmol at plastic na tile na dumaraong sa ating mga pantalan?

Kung iisipin, hindi kayang amuyin ng mga canine dog ang mga shabu na may kasamang mga tsaa kaya naman inihahalo ang droga sa mga tsaa.

Ang mga marble tile at plastic tile ay hindi basta malamang may kargang shabu dahil parang normal na kalakal ang mga ito.

Pero gaya ng ginawa sa Australia na pagsusuri sa mga marble tile, hindi masamang inspeksyunin din ang mga ito.

Baka naman, dito rin nanggagaling ang mga kilo-kilong shabu na pumapasok sa bansa at hindi kinakailangan ang iba pang mga paraan.

Kapag naipupuslit papasok sa bansa ang droga na ito sa pamamagitan ng tiles, anak ng tokwa, ligal na ligal at malinis na malinis ang pagpapasok ng mga ito.

O kalkal na sa mga marble at plastic tile bago pahintulutan ang mga ito na maibiyahe sa mga pabrika at warehouse na imbakan ng mga ito.

MAGHANDA LAGI SA MGA BAHA

Sa maraming bansa sa Europa at maging sa Tsina, katakot-takot ang tagtuyot.

Kaya naman, napakarami ang mga ilog ngayon sa mga bansang ito, maging ang napakalaking Yangtze River sa China, na natutuyot ang malaking bahagi.

Pero sa Pakistan na katabi ng Tsina at maging sa Afghanistan at India, katakot-takot naman ang mga baha dahil sa tag-ulan.

Kasama na tayo sa mga bansang inuulan at binabaha ngayon.

Sa Pakistan, giniba ng baha ang napakalaking hotel, ang New Honeymon Hotel.

At nagbubunga ng matinding kahirapan sa pagkain, inumin at paninirahan ang mga biktima baha sa bansang ito.

Sanay na tayo sa mga baha sa tag-ulan o kung may bagyo.

Pero sana, maghanda lagi tayo at magtulungan sa mga krisis o kalamidad na nililikha ng mga baha sa Pinas.