Shabu tinangkang isubo, lunukin ng obrero para hindi mahuli

Shabu tinangkang isubo, lunukin ng obrero para hindi mahuli

January 24, 2023 @ 8:55 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang construction worker makaraang madakip sa drug buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City gabi ng Lunes, Enero 23.

Kinilala ni PLTCOL. Mark Janis Ballesteros hepe ng Quezon City Police District station 3 Talipapa ang nadakip na si Rolly Gonzaga, alyas Din, 40-anyos, ng Road 18, Brgy. Bahay Toro, QC.

Ayon kay Cpl. Erwin Cordero investigator nadakip ang suspek sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Unang Sigaw, QC dakong 11:30 kagabi.

Sinabi ng pulisya na nagsagawa ng drug buy-bust operation ang mga awtoridad laban sa suspek dahil sa pagkakasangkot umano nito sa ipinagbabawal na droga.

Ayon kay Cordero isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng halagang P200.00 na shabu sa suspek.

Matapos iabot ng suspek ang droga agad itong inaresto ng mga pulis na hindi na nakapalag pa.

Tinangka pa umanong isubo at lunukin ng suspek ang droga na nahuli sa kanya para walang ebidensya subalit napigilan ito ng mga pulis.

Nakuha mula sa suspek ang tatlong (3) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman umano ng shabu na tinatayang nasa 2 gramo na may street value na P13,600.00.

Kasalukuyan ngayong nakapiit ang suspek sa naturang himpilan at nahaharap sa kasong illegal drugs. Santi Celario