Sharon, nag-audition kay Spielberg, pumalpak!



Sharon, nag-audition kay Spielberg, pumalpak!

May 22, 2021 @ 3:57 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Los Angeles, California – Inamin ni Sharon Cuneta sa radio program ng beteranang talkshow host na si Cristy Fermin kung bakit misteryosong lumipad siya sa Los Angeles, USA kamakailan at kung saan naroon pa ang Megastar hanggang ngayon.

Hindi naman talaga ang magbakasyon ang sadya ni Sharon. Ni hindi rin nga ang Los Angeles ang final destination n’ya sa biyaheng yon kundi Canada.

Inamin ni Sharon na mula sa Los Angeles ay lilipad pa siya papuntang Canada dahil du’n siya makikipag-usap sa world-famous producer-director na si Steven Spielberg na gustong i-cast ang Megastar sa isang pelikula kung saan ang Fil-American comedian na kilala sa pangalang  “Jo Koy” ang bida.

Kaibigan ni Sharon si Jo Koy na nakapag-stand-up comedy show na rin sa Pilipinas. Si Jo Koy ang nagrirekumenda kay Sharon na makasama sa pelikula n’ya.

Pero “delayed arrival” na raw si Sharon sa Amerika pa lang. Kailangan pa n’yang pumunta sa Canada, pero ayaw umanong i-delay din ni Spielberg ang schedule n’ya.

Pahayag ni Sharon kay Cristy sa “Cristy FERMINute”. “Hindi po para sa akin ang project dahil nagkaroon ng aberya. Maybe there’s another opportunity for me in the future.”

Ayon sa Megastar, may dokumento na may kaugnayan sa biyahe n*ya na delayed ang pag-release kay Sharon kaya delayed din siyang nakapag-iskedyul ng biyahe n’ya.

Alam naman daw ng pamilya ni Sharon kung ano talaga ang pangunahing sadya ng kanilang matriyarka (matriarch) sa pagpunya sa Amerika.

Bilang pagmamalasakit ni Cristy kay Sharon na itinuturing n’yang kaibigan, sinabihan nito ang mga netizen na tigilan na ang pag-iimbento ng mga dahilan sa biglaang paglipad ni Sharon nang mag-isa papuntang Amerika.

Hindi pa inia-announce ni Sharon kung kailan siya babalik sa Pilipinas. Ang mga post n’ya sa Instagram mula nung dumating siya sa Los Angeles ay relaxed na relaxed siya, lalo pa’t ang pakiramdam n’ya ay malayo siya sa Covid du’n.

Parang gusto na nga raw n’yang tumira ru’n nang permanente pero alam n’yang di pwedeng mangyari yon dahil ayaw ng mister n’yang si Sen. Kiko Pangilinan na ipagpalit sa ibang bansa ang Pilipinas.

Kung di pa sigurado kung kailan babalik sa Pilipinas si Sharon, ibig sabihin ay di pa rin sigurado ang playdate ng pelikula n’yang Revirginization na natapos na n’yang gawin para sa Viva Films. Danny Vibas


  •  
  •  
  •