Shoot-to-kill order laban sa mga nakamotorsiklo inilabas

Shoot-to-kill order laban sa mga nakamotorsiklo inilabas

June 27, 2022 @ 6:09 PM 2 months ago


NIGERIA – Iniutos na ng gobernador ng isang probinsya sa Nigeria ang pagpatay sa lahat ng gumagamit ng motorsiklo sa mga lansangan upang malabanan nila ang malaganap na kidnapping-for-ransom.

Kasabay nito ang pamimigay ng baril sa lahat ng residente upang makatulong na rin laban sa mga kriminal na nagnanakaw rin sa mga baka at iba pang ari-arian ng mga mamamayan, nanununog ng mga kabahayan, kumikidnap, nangingikil at nangre-rape sa mga mag-aaral, at nangha-hijack sa mga tren at iba pang sasakyan.

Ginawa ang utos ng gobernador ng Zamfara laban sa mga nakamotorsiklo dahil motorsiklo ang gamit ng mga ito sa paggawa ng mga krimen upang mabilis na makatakas sa mga rumerespondeng awtoridad.

Mamimigay na rin ng armas, kasama ang mga kaukulang lisensya para rito, ang pamahalaan sa mga sibilyan, kahit sa mga walang pagsasanay sa paggamit nito.

Bukod sa mga ito, iniutos na rin ng gobernador ang pagsasara ng tatlong palengke na pineperwisyo ng mga kriminal at hindi pagbebenta ng gasolina at iba pang produktong petrolyo upang walang magamit na motorsiklo ang mga kriminal. RNT