Shoreline clean-up ops ng PCG sa oil spill affected areas, tama – Japan expert

Shoreline clean-up ops ng PCG sa oil spill affected areas, tama – Japan expert

March 16, 2023 @ 5:46 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tama ang ginagawang pagsisikap ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtugon sa oil spill sa Oriental Mindoro, ayon sa Japan Disaster Relief (JDR) Expert Team.

Sa kanilang pagpupulong kasama ang PCG Incident Management Team sa Oriental Mindoro ni CG Commodore Geronimo Tuvilla, nitong Miyerkules, Marso 15, ibinahagi ng Japanese expert ang kanilang obserbasyon sa shoreline clean-up operations sa Barangay Buhay na Tubig, Pola, Oriental Mindoro.

Sinabi ng JDR Expert team na ang joint clean-up operations ay epektibong nakabawas sa epekto ng oil spill sa coastal barangay.

Hiniling naman ni CG Commodore Tuvilla sa mga eksperto na magbigay sa PCG ng opisyal na report sa kanilang offshore at shoreline assessment at obserbasyon sa ginagawang response efforts para sa monitoring at documentation.

Samantala, pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang JDR experts team sa pag-alok ng kanilang oras, expertise, at resources para tumulong sa nagpapatuloy na oil spill response operations sa Oriental Mindoro.

Sinabi ng Pangulo na ang mga eksperto sa Japan ay patuloy na nagbibigay ng mahalagang suporta, partikular sa pagsisiyasat sa lawak ng pinsala at paggabay sa patuloy na paglilinis sa langis at control activities.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang gobyerno ng Japan sa pagdo-donate ng equipment, tulad ng oil blotters, oil snares, at oil-proof working gloves, na ginagamit ng National Strike Force (NSF) team sa shoreline at offshore operations.

Sinabi naman ni Ambassador of Japan in the Philippines Kazuhiko Koshikawa na ang tulong ay bilang pagkilala sa “amicable relations between Japan and the Philippines on humanitarian grounds and for marine environment protection.”

“We hope that the support from the Japanese Government will contribute to preventing further oil contamination and restoring the marine environment in the affected areas,” sabi ni Ambassador Koshikawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden