SI DAYUNYOR

SI DAYUNYOR

December 6, 2021 @ 4:19 PM 10 months ago


Kailangan talagang magpakilala nang husto ang mga kandidato dahil nasa pandemya pa rin tayo.

Medyo kakaiba dapat ang diskarte para talagang tumunog at kuminang ang pangalan mo, kung gusto mong matandaan ka ng mga botante.

Sa pitong tumatakbo sa pagka-Pangulo, meron kandidato  ang halos hindi na kailangan magpakilala. Apelyido pa lang, kilalang-kilala na.

‘Di lang  ako sigurado kung mabuti ito  o masama.  Depende na rin kung saan partido ka naniniwala.

Batang dekada sitenta ako, pinanganak ilang taon bago ideklara ang Martial Law.

Siyempre, sa murang edad ko, ‘di ko naiintindihan ang nagaganap sa paligid at sa bansa.

Sa eskwelahan ko na lang nalaman ang tungkol sa Martial Law.

Palagay ko ‘yan ang multo sa aparador at agiw sa baul na kailangang linisin at harapin ni Bongbong Marcos, Jr.,  diin sa “Junior”, ika nga ng marami.

Bagama’t tanggap natin na ang kasalanan ng ama ay hindi dapat isisi sa anak, meron pananagutan ang anak kung patuloy niyang itatanggi ang totoo.

Ikakalat ang kasinungalingan at nakikinabang pa rin sya sa mga nakaw at katiwalian ng ama.

Pito na ang petisyon sa COMELEC para ipawalambisa ang kandidatatura ni Marcos, Jr.  Simple lang naman ang basehan nila.

Dahil “convicted” na siya sa salang may kinalaman sa pagbabayad ng buwis, malinaw ang batas na diskwalipikado na siya sapagtakbo at anomang posisyon sa gobyerno.

Sagot ng kampo ni Marcos, Jr., kinikilala nila ang karapatan ng mga nagsampa ng reklamo.

Pero sana ay galangin din ang kanilang karapatan na madinig ang panig nila.

Sabi nga ni Vice Ganda sa show nila, “c’mon tell me”!

‘Yun naman talaga ang tama.

Dagdagan mo pa na nagmukhang iikot kay Marcos Jr.,  ang bagong alyansa ng mga pamilya na dominante sa pulitika sa Pilipinas.

Ang sa akin lang naman, kung nagsama-sama na ang mga pamilya na alam nating napakaraming kasalanan sa bayan nitong mga nagdaang dekada, aba, mag-isip-isip na tayo.