SI JINGGOY, ANG K-DRAMA AT KALOKANG PELIKULANG PINOY

SI JINGGOY, ANG K-DRAMA AT KALOKANG PELIKULANG PINOY

October 22, 2022 @ 4:20 PM 1 month ago


NAUUNAWAAN  natin ang sentimyento ni Senator Jinggoy Estrada laban sa Korean telenovelas o K-dramas na sobra nang nilalampaso ang mga pelikulang Pinoy.

Bumawi naman si Estrada sa pagsasabing naibulalas lang niya ang kanyang sentimyento sa labis na pagkadismaya sapagkat nawawalan ng trabaho ang maraming Filipino na nasa industriya ng pelikula.

Ang senador  at ang kanyang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada ay nagsimula muna sa pelikula bago naging mga pulitiko.

Ang damdamin ni Sen. Jinggoy ay dahil sa pagmamahal marahil sa karera kung saan siya nanggaling.

Nais lamang niya na kung gaano kainit ang pagtangkilik ng mga Pinoy sa industriyang pelikulang Koreano, gayon din daw sana sa pelikulang Pilipino.

Hindi naman siguro ito masama.

Ang mali ay solusyong ipahinto ang K-dramas na “kinababaliwan” ngayon ng Filipino, lalo ng kabataan. Uulanin nga talaga siya ng batikos.

Sa sobrang pagkahaling, ginagaya ng mga Pinoy maging ang pananamit, iba pang gamit, buhok at pati ang pagkain ng mga Koreano.

Mabuti na rin at nabuksan ang topic na ito dahil sa sinabi ni Sen. Estrada.

Nagagalit ang marami sa kanya subalit sa ganang akin, tama siya na bigyan ito ng pansin.

Imbes magalit tayo o mainggit, dapat matuto na tayo kung bakit gayon na lang ang napakalaking tagumpay ng Korea sa lara­ngan ng sining. 

Si Estrada na rin ang nagsabi na namuhunan nang husto ang Korea sa mga ginagawang pelikula at ipinakikita ng mga Koreano ang pagmamahal nila sa kanilang bansa at kultura.

Kalidad naman talaga ang magdadala sa isang industriya.

Samantalang sa atin, ang kadalasang mapanonood ay mga pelikulang ang tema ay tungkol sa away pamilya, away ng mag-asawa, kabitan ni mister at ni misis, rape, karahasan at kung ano-ano pang pangit na inilalarawan ang mga Pilipino.

Bukod pa rito ang isang katatapos na teleseryeng aksyon kuno na hindi mamatay-matay ang “bulol na bida” kahit tadtarin ng bala. Sobrang kaloka.

Bago pa ‘yang K-drama, pinasok na rin tayo ng mga Mexican novelas at Taiwan novelas na nangangahulugang mas gusto ng mga Pinoy ang mga pelikulang dayuhan kaysa manood ng mga “walang kuwenta” na teleseryeng Pinoy.

Hindi naman kailangan ng malakihang budget para makagawa ng maganda o makabuluhang pelikula. Mayroong mga Indie films na kung ta­wagin na sobrang gaganda, makabuluhan at may-aral ang istorya na nagwawagi ng international awards.

Hindi lang nabibigyan ng pagkakataon sa malalaking screen o slot sa TV dahil hindi kilalang artista at direktor ang mga nasa likod. 

Sa totoo lang, mas gusto ng mga prodyuser sa telebisyon o ng mga television network mismo na ipalabas ang K-dramas, Mexican novelas, Taiwan novelas at ang bago ngayon na mga Thailand novelas dahil mas nakatitipid o nakamumura sila rito, kaysa naman magbayad ng mga artistang lokal, crews, umarkila ng mga gamit sa paggawa ng pelikula. 

Dahil ito ang palaging ipinalalabas o “isinusubo” sa atin ng mga TV network simula umaga hanggang gabi, walang magawa ang mga Pinoy na manonood kundi ang tangkilikin ito.