SI PAPA BENEDICT XVI (2)

SI PAPA BENEDICT XVI (2)

January 7, 2023 @ 11:35 AM 1 month ago


INILIBING na si Papa Benedict XVI kamakalawa makaraan ang katakot-takot na panawagan ng Simbahang Katolika na ipagdasal ang kanyang kaluluwa para tanggapin sa langit ng Panginoong Diyos.

Kasabay ng nasabing panawagan ang panawagan ding tularan ng iba ang kanyang mga ginawa bilang Santo Papa.

Normal ang mga pangyayaring ito at magandang tanawin kahit ilang bahagi lang ng kanyang buhay bilang pinuno ng Simbahang Katolika mula 2005 hanggang 2013 para magkaroon ng kabuluhan ang mga panawagan.

Kabilang sa mga hinahangaan kay Pope Benedict XVI ang pagiging seryoso nito sa pagsibak sa mga pari kung kinakailangan, gaya ng pagkakasangkot ng mga ito sa pedopilia at panggagahasa.

Noong Santo Papa pa siya, sinibak nito ang paboritong pari mismo ni Papa John Paul II na si Fr. Marcial Maciel Degollado na founder ng Legionaries of Christ at nakabase sa Mexico.

Naging paborito ng nasabing papa si Degollado dahil magaling itong mag-recruit ng mga magpapari at mag-akyat ng malaking bulto ng salapi sa Vatican City.

Pinahaba rin nito ang panahon ng pagsasampa ng kaso laban sa mga pedophile at rapist na pari mula sa 10 hanggang sa 20 taon at siya mismo ang humaharap sa mga nagrereklamong biktima.

Resulta, may sinibak siyang 171 pari noong 2008-2009 at 384 noong 2011-2012.

Kaya lang, bago siya naging Papa, pinanatili niya bilang pari si Lawrence C. Murphy kahit napatunayan itong nang-rape ng mahigit 200 na batang lalaki sa eskwela ng mga pipi at bingi.

At bilang Cardinal at Papa, hindi man lang nagawang magsibak ng obispo na sangkot sa pedopilia o nagtakip sa krimen ng mga manyak na pari.

Hindi rin nito nagawang disiplinahin ang ilang pari na pedophile at rapist nang Kardinal pa siya sa Munich, Germany.

Dapat bang tularan at ipagdasal si Pope Benedict XVI?