SI PERCY LAPID AT NBP

SI PERCY LAPID AT NBP

November 9, 2022 @ 11:30 AM 3 weeks ago


MAITUTURING na isang malaking kaso ng pamamaslang ang pinaniniwalaang sarado na kung pagbabatayan ang pahayag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa pagpatay sa kilalang brodkaster na si Percy Lapid kung saan sangkot ang suspendidong Bureau of Corrections chief na si General Bantag at ilang lider ng grupo sa loob ng Bilibid.

Pinatunayan ni Remulla kasama ang kanyang mga nasasakupan sa National Bureau of Investigation ang kakayahan nila sa pag-imbestiga at pagtukoy sa mga sangkot sa kasong ito sa kabila nang kumplikadong ginampanang papel ng mga personalidad na nasa likod ng insidenteng hindi kailanman matutumbok ng mga awtoridad bunsod sa pinagplanuhan nang husto bago ikasa ang pamamaslang.

Batid ng taumbayan na mahirap tukuyin ang nasa likod ng pamamaslang sa bawat mamamahayag lalo na kung malalaki at maimpluwensyang tao ang sangkot dito.

Subalit sabi nga ng matatanda, hindi kailanman maitatago sa mata ng Diyos at taumbayan ang mali at masamang gawain ng sinoman.

Lumutang na ang maaanghang at hindi kanais-nais na expose ni Lapid hinggil sa mabilisang paglobo ng yaman at ari-arian ni Bantag mula noong maluklok ito bilang Bucor chief ang puno’t dulo ng pagpatay sa sikat na mamamahayag.

Lumalabas pa na malawakan umano ang pamamayagpag ng kalakaran ng droga at pagpasok ng iba pang kontrabando sa loob ng NBP na hinayaan lang ni Bantag at mga jail guard kapalit ng ibinibigay sa kanilang tongpats mula sa high profile inmates dito.

Kunsabagay, hindi na bago ang isyu ng suhulan sa loob ng New Bilibid Prison na pansamantalang natigil lang sa unang taon ng panunungkulan ni Tatay Digong kung saan bantay sarado noon ng Philippine National Police Special Action Force ang pambansang piitan.

Hindi naman sa hinuhusgahan ang katapangan,katatagan at kakayahan ng bagong itinalagang hepe ng NBP na si Gregorio Catapang Jr. subalit hindi kaya masisilaw din siya sa milyones na ibinibigay ng mga milyonaryong preso kapalit ang marangyang buhay at pagkalat ng iligal na mga aktibidad sa loob?

21Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com