SI USEC. BOY TONYO AT LAZY COMPANY

SI USEC. BOY TONYO AT LAZY COMPANY

October 20, 2022 @ 6:36 PM 1 month ago


LINTIK sa bilis at hagupit ang karma na inabot ng mga hambog pero ‘tamad’ na mga bagong opisyal ng Department of Labor and Employment sa televised hearing ng Senado kamakailan.

Nagmukhang basang sisiw tuloy sa harap ng sambayanang Pilipino ang mga ginigisang DOLE officials sa pangunguna nitong si Undersecretary Boy Tonyo na tila natutulog sa pansitan.

Nagsimulang mapundi ang mga senador sa nagmamagaling na si Usec Boy Tonyo nang kontrahin nito ang Senate bill na pakikinabangan sana ng mga freelance o ‘gig’ workers.

Kasi naman, pinalabas ni “Boy Tonyo” na hindi pabor ang DOLE sa panukala ng mga senador dahil kesyo wala raw silang kakayanan na ipatupad ito.

Eh kung hindi naman pala ubod ng gunggong itong si Tonyo, bakit pa sila nasa DOLE kung hindi nila kayang magtrabaho?

Sino ba ang naglagay sa DOLE ng mga walang kwentang opisyal na ito?

Lalong nabwisit ang mga senador sa pangunguna ni Francis ‘Tol’ Tolentino, Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva nang mabisto ng mga matutulis na mambabatas na wala palang bitbit na position paper ang grupo ni Tonyo nang sumalang sa hearing.

Kaya ang malaking tanong, ano ba talaga ang ginagawa nina Tonyo and lazy company sa DOLE sa gitna ng mga paghamon na hinaharap ng ating mga manggagawa?

Hindi makapaniwala ang mga senador sa mga kapalpakan na sinabi ng undersecretary kaya tinanong nila ang lutang na DOLE official kung ang kanyang mga pahayag ay kanyang personal na haka-haka o opinyon ng DOLE.

Sa gulat ng mga senador, buong tapang na sinabi ni Boy Tonyo na ang kanyang binitawang mga salita ay posisyon daw ng DOLE.

Ay sus ginoo, mukhang mahina nga talaga ang kukote ng opisyal dahil hindi niya na-gets ang pagkakataon na ang ibinigay ng mga senador upang maisalba niya ang liderato ng DOLE sa ginagawa niyang kahihiyan.

Gusto siya tuloy kutusan ng mga taga-DOLE — lalo na ang tinutukoy ni Tolentino na mga masisipag at magagaling na taga-DOLE pero hindi mayayabang.

Sana lang, hindi na nagmagaling sa hearing itong si Tonyo at sa halip ay marunong sumagot sa usapin ang ipinadala ng ahensyang nangangasiwa sa kapakanan ng mga manggagawa.

Kaso, nag-astang eksperto itong si Tonyo kaya kung ano-ano ang mga sinabi sa pagdinig kaya nabuking na walang magandang ganap sa nasabing tanggapan mula nang maupo sila sa pwesto.

Ang tama tuloy at batikos ay kay Pangulong Bong Bong Marcos dahil isang USEC na kilala bilang Boy Tonyo at kanyang lazy company.

Anong say mo Sec. Benny E.?