Siargao mangrove reserve bilang ‘Wetland of International Importance’ pinuri ng DENR

Siargao mangrove reserve bilang ‘Wetland of International Importance’ pinuri ng DENR

February 22, 2023 @ 7:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinuri ng Department of Environment and Natural Resoures (DENR) ang ibinigay na pagkilala sa Del Carmen Mangrove Reserve sa Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS) bilang Wetland of International Importance sa ginanap na selebrasyon ng World Wetlands Day (WWD) 2023 noong Pebrero 2.

Naka-angkla sa temang “Its Time for Wetland Restoration,” ang national celebration ng WWD2023 ay pinangunahan ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR kung saan naging punong-abala naman ang Local Government Unit ng Del Carmen, Surigao del Norte.

Sa ginanap na selebrasyon ipinakita ang ecological benefits ng naibalik na wetland at ang restoration efforts sa Del Carmen mangroves, pag-ani sa naging bunga ng wetland conservation, pagdami ng fishery resources dahil na rin sa proteksiyon at restorasyon, alternatibong kabuhayan mula sa turismo, at karagdagang proteksiyon mula sa storm surge, partikular na nang manalasa ang bagyong Odette noong Disyembre 2021.

Sa video message ni Assistant Secretary for Policy, Planning and Foreign-Assisted and Special Projects Marcial Amaro, Jr. binigyang-diin nito ang kahalagahan ng wetlands tulad ng mangrove swamp forests na nagsisilbing harang o unang depensa ng mga komunidad laban sa natural disaster at epekto ng climate change.

“The wetlands of Siargao Island Protected Landscape and Seascape or SIPLAS serve as a testament to these ecological functions during the height of typhoon Odette. If not for these mangrove forests, the damage to the communities of SIPLAS could have been worse and more people could have suffered. This testament is one of the many reasons we should protect our wetlands from further degradation,” saad ni Amaro.

Kaugnay nito hinikayat din nito ang municipal government ng Del Carmen, Protected Area Management Office ng SIPLAS, Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Surigao del Norte, at ang DENR-Caraga kasama na ang lokal na komunidad na “continue the quest for good wetland governance to uphold its distinction as among the tourism gems of the country.”

Samantala ang pagkilala sa Del Carmen Mangrove Reserve ay nagsisilbing panimula sa nominasyon nito para mapasama sa global network ng makabuluhang wetlands na kilala rin bilang Ramsar List of Wetlands of International Importance o Ramsar Sites.

Ayon sa DENR pasok na ang mangrove reserve sa dalawang pamantayan para maging Ramsar Site. Ang mayamang biodiversity nito at ang ecological benefits ng 4,800 hectares ng mangrove na bumabalot sa isa sa pinakamalaking mangrove reserves sa bansa, at ang presensiya ng mga endemic, native at migratory species ay mga dahilan upang ang bahaging ito ng SIPLAS ay maging ‘globally important.’

Magugunitang noong 2010, ang municipal government ng Del Carmen ay nakipagtulungan upang maibalik ang mangrove forest at mailigtas ito sa mga iligal na aktibidad tulad ng pagputol at poaching ng mga mangrove. Kasalukuyan, umaabot na sa 53 percent ng Siargao Island ang nababalot ng mangrove forest. Santi Celario