SIBUYAN ILIGTAS MULA SA ILIGAL NA PAGMIMINA

SIBUYAN ILIGTAS MULA SA ILIGAL NA PAGMIMINA

February 2, 2023 @ 1:34 PM 2 months ago


KINAKAILANGAN ang agarang aksyon ng gobyerno sa Romblon upang matigil ang umano’y mga iligal na aktibidad ng Altai Philippines Mining Company na dahilan ng pagbabarikada ng mga residente sa Sibuyan Island bilang protesta.

Ayon sa mga lokal na grupong maka-kalikasan, sa pangunguna ng Sibuyanons Against Mining, sa kabila ng wala raw maipakitang permit ang mining firm ay pursigido pa rin ito sa hangaring makapag-extract at makapag-export ng 50,000 metriko tonelada ng nickel ore papuntang Hong Kong.

Iwinawagayway ng Altai sa pamahalaang lokal ng San Fernando, Romblon ang Mineral Ore Export Permit nito mula sa Department of Environment and Natural Resources para depensahan ang mga pagmimina nito. Pero kinontra ng environmentalist na si Rodne Galicha ang dokumentong iyon, na tinawag niyang “tampered.”

Ano na nga ba ang nangyayari sa sistema ng ating gobyerno, na itinatag upang protektahan ang kapakanan ng ating bansa at ng mamamayan nito?

* * *

Sa isang iglap, nilamon na ng katahimikan ang Kamara at Senado. Para bang hindi nangyari ng nakalipas na linggo ang salitan na pambabatikos ng parehong kapulungan ng Kongreso sa mga smuggler.

Hindi ko naman sinasabing ang mga mambabatas, na naglabas ng pangalan ng mga umano’y smuggler, ay nasupalpal, halimbawa, sa litratong kumalat sa social media tampok ang isa sa mga ibinunyag nilang smuggler.

Wala siguro silang makomento, taliwas sa mga netizen na hindi napipigilan sa kani-kanilang opinyon.

* * *

Sa isang talumpati sa promotion ceremony para sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard, hinikayat sila ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi lang depensahan ang mga teritoryo ng bansa kundi maging ang mamamayang Pilipino.

Makalipas lang ang ilang araw, iniligtas ng mga tauhan ng PCG ang pitong Chinese na pawang tripulante ng isang barkong palutang-lutang sa Suluan Island, na saklaw ng Guiuan, Eastern Samar.

Good job, PCG!

* * *

Hindi kailanman isinuko ni Sen. Jinggoy Estrada ang kanyang paninindigan laban sa panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso sa kababaihan at mga bata. Kaya naman suportado ko siya sa pagsisikap na bumuo ng database ng sex offenders.

Ang panukalang batas n’yang ito, ang “National Sex Offender Registry Act”, ay tutulong sa mga awtoridad upang matugaygayan ang mga sentensiyadong sex offenders kapag nakabalik na sila sa lipunan at bigyan ng access ang mga komunidad sa criminal background ng mga ito para masigurong ang nagawa nilang krimen ay hindi na mauulit pa sa lugar na bago nilang tinitirahan.

Request lang, Sen. Jinggoy. Kapag naisabatas na ito, pakisunod ‘yung Registry of Corrupt Officials upang hindi makalilimot ang mga botante o para hindi na sila mabolang muli sa mga pangako ng kampanya mai-shade lang nilang muli ang pangalan ng mga ito sa balota.

* * *