Sibuyas bababa sa P100 ‘gang P150 kada kilo sa importation – DA

Sibuyas bababa sa P100 ‘gang P150 kada kilo sa importation – DA

January 11, 2023 @ 8:05 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaasahang bababa sa P100 hanggang P150 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa bansa kasunod ng pagpayag ng Malacanang na mag-angkat nito.

Ani Department of Agriculture deputy spokesperson Rex Estoperez, ang mga inangkat na sibuyas ay inaasahang darating sa Enero 27 upang hindi bumangga sa harvest season ng local onion growers sa susunod na buwan.

“From now until the 27th, ang tinitingnan natin, bababa ang presyo dahil ang sinasabi ko nga we have to address also the inflation ng red onions….Kailangan nating magbigay din ng limit kung kailan at kung ang volume dahil naman sa proteksyon natin sa ating mga magsasaka,” aniya.

“Dapat hindi siya bumaba dun sa cost of production ng ating mga magsasaka. The cap siguro from P100 to P150,” dagdag ni Estoperez.

Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang mga magsasaka sa bansa sa desisyong mag-angkat, lalo na nagsisimula na rin ang pag-ani ng mga ito.

Dagdag pa, magiging mahirap para sa kanila na mabawi ang mga ginastos sa pagtatanim dahil tiyak na magiging mas mura ang presyo ng mga imported na sibuyas.

Matatandaan na kamakailan ay pinayagan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-aangkat ng nasa 21,000 metriko tonelada na pula at puting sibuyas upang solusyunan ang lumilipad na presyo nito sa merkado.

Ayon sa DA, 50% ng mga inangkat na sibuyas ay ilalagay sa Luzon habang tig-25% naman sa Visayas at Mindanao. RNT/JGC