‘Sibuyas Queen’ no-show sa pagdinig ng Kamara, ipina-subpoena

‘Sibuyas Queen’ no-show sa pagdinig ng Kamara, ipina-subpoena

March 8, 2023 @ 4:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniutos ni House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga ang pagpapalabas ng subpoena laban kay Lilia Cruz alyas Leah Cruz na binansagang Sibuyas Queen matapos muli itong mabigong dumalo sa pagdinig sa Kamara.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara ukol sa kontrobersiya sa biglaang paglobo ng presyo ng sibuyas sa merkado ay ikinairita ng mga mambabatas ang hindi pagsipot muli ni Cruz.

Ayon kay Enverga, dadalo sa anti-graft hearing case sa Sandiganbayan si Cruz kaya hindi ito nakadalo sa pagdinig ng Kamara.

Sinabi ni Enverga na balido ang naging dahilan ni Cruz subalit tiniyak ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na sa ikatlong pagkakataon ay dapat tiyakin na sisipot ito sa hearing at upang masiguro ay nais ni Quimbo na magpalabas ng subpoena.

“Mr. Chair, to ensure the presence of Leah Cruz as well as Ernesto Francisco in the next hearing, I move that we issue a subpoena,” pahayag ni Quimbo na agad sinang-ayunan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr.

“I second the motion….may I also add that aside from the subpoena ad testificandum, we also require that they submit their subpoena duces tecum in order to present all the necessary documents in connection with the importation of onions as reflected on the records of the Bureau of Plant Industry (BPI),” pahayag ni Barzaga.

Nagbanta naman ito na kung hindi makadadalo sa susunod na pagdinig si Cruz at si Francisco na isa pa sa mga resource person ay sasampahan na ang mga ito ng kasong contempt. Gail Mendoza