SICKNESS BENEFIT NG SSS

SICKNESS BENEFIT NG SSS

February 24, 2023 @ 12:31 AM 1 month ago


Isa sa mga mahalagang benepisyo na nakukuha ng isang miyembro ng Social Security System (SSS) ay sa panahon ng pagkakaroon ng karamdaman o aksidente dahil sa trabaho.

Simula noong taong 1957 hanggang nitong 2022 ay umabot na sa P56.92 billion ang nailaan ng ahensya para sa sickness benefit na pinakinabangan ng mga miyembro nito.

 Ang sickness benefit ng SSS ay para sa mga regular employee, self-employed, voluntary, overseas Filipino worker, non-working spouse, at mga nahiwalay sa kanilang trabaho.

Ito ay daily cash allowance na katumbas ng 90% ng arawang kita sa loob ng mga araw ng pagkakaroon ng sakit na hindi dapat lumagpas ng 120 araw sa loob ng isang taon. Maaari pang bayaran ng SSS ang susunod na 120 days sa kaparehas na sakit pero kapag lumagpas na ay dapat nang disability claim ang aplayan.

Kuwalipikado ang mga miyembro na hindi nakapasok ng mahigit sa apat na araw na maaaring nasa bahay lamang o kaya ay naipasok sa ospital, dapat ay may kontribusyon sa loob ng tatlong buwan bago ang buwan ng pagkakasakit, kailangang nagamit na ang lahat ng pay leaves ng opisina, at naipagbigay alam sa SSS sa loob ng 5 araw ang naging medikal na kondisyon sa pamamagitan ng sickness benefit application (SBA) form.

Pero para sa mga OFW, simula noong taong 2015 ay hanggang 30 days na ang extension ng pagsusumite nila ng SBA para hindi magkaroon ng penalty at charges pero para sa mga non-hospital confinement lamang ito. Kinunsidera ng SSS ang kadalasang malayong lokasyon ng ating land-based OFWs para makatungo kaagad sa foreign SSS office.

Kinakailangang ihanda ang mga sumusunod na dokumento para sa inyong reimbursement – SBA form, SSS identification card o UMID card, mga supporting documents sa pagkakasakit katulad ng medical abstract, prescription, at iba pang makakapruweba ng pagkakasakit.

Kung may katanungan, maaari namang bisitahin ang www.sss.gov.ph o ang kanilang official FB account na Philippine Social Security System.

Bagama’t malaking tu-long din ang benepisyo mula sa PHILHEALTH, iba pa rin kapag may SSS na mapagkukunan ng pang-araw-araw na gastusin.