Sid, aminadong naging drug user!

Sid, aminadong naging drug user!

December 19, 2022 @ 2:05 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Sa blogcon ng pelikulang “Bugso”, sinabi ng magaling at Urian award winning actor na si Sid Lucero na marami siyang maling desisyon sa buhay na hanggang ngayon ay kanyang pinagsisisihan.

Mula sa maliliit at malalaking bagay, marami raw siyang mga oras o pagkakataong sinayang dala ng kanyang kapusukan o bugso ng damdamin.

Ito raw iyong panahong wala pang direksyon at nasa kadiliman pa ang kanyang buhay.

Kasama na raw rito iyong nagrerebelde pa siya at naging isang drug user.

Gayunpaman, may mga leksyon daw naman siyang natutunan sa kanyang mga naging kamalian.

Proud din siya dahil napagtagumpayan niyang kumawala sa kanyang bisyo noon.

Nagpapasalamat din siya na ang kanyang anak pala na si Halo Eve ang magpapa-realize sa kanya kung gaano siya ka-self centered.

Mula raw kasi nang dumating ang kanyang anghel, nagbago na raw ang pananaw niya at level of maturity.

Sey pa ni Sid, kung gumagawa man siya ng mga pelikulang mapangahas sa Vivamax, may katuturan daw naman ito dahil may semblance of truth ang mga tema at karakter na tinatalakay sa movies niya.

Game rin daw siya sa paghuhubad lalo na’t dati na siyang nag-frontal sa kanyang mga pelikula.

Kahit hindi raw minsan tugma sa pananaw niya ang boses ng filmmaker, naniniwala siyang bilang aktor ay katungkulan pa rin niyang maihatid kung ano ang mensahe ng kanyang collaborator.

Glad din siya dahil sa latest acting assignment niya ay muli niyang nakasama si Direk Adolfo Alix, Jr na naka-work niya sa mga pelikulang Donsol, Batanes, Muli at Death March.

Sa pelikulang Bugso, ginagampanan ni Sid ang papel ni Dado, ang driver at lover ng isang high class prostitute na naging kumplikado ang buhay nang akitin ng isa pang pokpok.

Kasama ang dalawang Vivamax sex goddesses na sina Ayanna Misola at Hershie de Leon, ang pelikula na iprinudyus ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carillo ay mapapanood na sa Vivamax simula sa Disyembre 30. Archie Liao