Sigalot sa paggamit ng P1K polymer bills, pinaiimbestigahan sa Senado

Sigalot sa paggamit ng P1K polymer bills, pinaiimbestigahan sa Senado

July 13, 2022 @ 2:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Senador  Aquilino “Koko” Pimentel III ang lahat ng isyung bumabalot sa produksiyon, pagpapalabas at paggamit ng P1,000 polymer banknote ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil naging mas sensitibo at hindi flexible ang paggamit nito kaysa sa dating pera.

Sa pahayag, sinabi ni Pimentel na dapat munang itigil ng BSP ang produksiyon at pagpapalabas nito dahil dumarami ang reklamo hinggil sa praktikalidad ng paggamit ng bagong banknote.

“The issuance of these polymer bills to replace our old banknotes is absolutely absurd. Our bills should be designed in such a way that they can withstand a minimum amount of abuse like crumpling and folding. Parang gusto pa yata nila ilagay sa frame yung bills para kunwari matibay,” aniya.

“The BSP should suspend the production of these banknotes ASAP,” giit niya.

Mas matibay ang polymer kaysa sa abaca pero hindi ito maaaring mailagay sa bulsa, pitaka, money clips o kahit maliliit na pitaka dahil bawal malukot at matupi bukod sa sensitibo sa mga kemikal.

Sinabi pa ni Pimentel na magiging sagabal sa mga local producer ang bagong plastic na pera kumpara sa abaka. Malaki din ang epekto nito sa industriya ng abak na kumikita ng mahigit $97.1 milyon kada taon mula sa pagluluwas ng abaca fiber at pagmamanupaktura.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang walang habas na pagbabagong ginawa ng BSP sa pagpapalit ng disenyo ng barya at pera.

“There is a need to find out who are the other agencies involved and consulted for the country’s monetary design; how much does the government spend when changing; the problems BSP encountered when the new design series was demonetized and whether there were complaints from the public,” ani Pimentel. Ernie Reyes