SIGE LANG SA KAPUPUSLIT

SIGE LANG SA KAPUPUSLIT

November 8, 2022 @ 11:10 AM 4 weeks ago


SA kanyang pagharap sa Senate deliberations kamakailan, ipinaubaya na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa mga senador ang pagtukoy sa halaga ng intelligence at confidential funds na ilalaan sa kanyang mga tanggapan.

Mapagpakumbaba ang ginawang ito ni VP Sara. Pero kung pakaiisipin, hindi ang kanyang mga tanggapan ang tipong pinaglalaanan ng malalaking “intelligence funds.”

Mas humanga pa sana ako kung pinili ng Bise Presidente na isakripisyo ang mga pondong ito para ma-realign sa budget ng bansa sa pagpapatayo ng evacuation centers. Ang katangi-tanging desisyong ito ay malaking kaginhawahan sana sa mga pampublikong paaralan dahil hindi na maaabala ang mga klase ngayong ang mga silid-aralan ay ginagamit na pansamantalang tuluyan ng mga sinalanta ng kalamidad.

oOo oOo oOo

Ang aabot sa P5.3 bilyon pinsala sa agrikultura dahil sa pananalasa kamakailan ng bagyong “Paeng” ay isang trahedyang kaagad na naramdaman ng industriya at ng mga mamimili.

Sobra ang itinaas ng presyo ng gulay kaya naman kapag o-order ka ngayon ng chopsuey sa restaurant, mas marami pa ang sahog na karne kaysa gulay. Gayunman, sa sitwasyong ito ay tuwang-tuwa ang mga agricultural smuggler.

Suportado ng Firing Line ang pagpupursige ni AGRI partylist Rep. Wilbert T. Lee na amyendahan ang Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sakaling maging batas, sisiguruhin ng panukala niyang House Bill No. 5742 na ang mga opisyal at mga empleyado ng gobyerno na mapatutunayang sangkot sa agricultural smuggling ay papatawan ng mas mataas na parusa at malaking multa.

oOo oOo oOo

Tumiwalag na si Pasig City Mayor Vico Sotto sa partidong Aksyon Demokratiko, binitiwan ang kanyang posisyon doon bilang party external vice president. Walang dudang isa si Sotto sa mga pinakahinahangaang alkalde sa bansa simula nang una siyang mahalal sa posisyon noong 2019 dahil sa kanyang pagsusulong ng mahusay at tapat na pamumuno.

Kung buhay pa sana ngayon si dating Sen. Raul Roco, hindi marahil nag-resign si Mayor Vico mula sa partidong nakatuon sa reporma. Simula nang pumanaw ang nagtatag ng Aksyon Demokratiko, nawala na sa tuwid na direksiyon ang partido. Sa totoo lang, naiintindihan ko kung bakit ang isang pulitikong nagsasadiwa ng reporma na tulad ni Sotto ay aalis mula sa isang partidong dating nagsusulong ng reporma.

oOo oOo oOo

Noong nakaraang linggo, inianunsiyo ng Bureau of Corrections, na pinamumunuan ni Ret. Gen. Gregorio Catapang, ang pagkakakumpiska ng 7,000 beer-in-cans at “shabu” sa loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison bilang bahagi ng pinaigting nilang “Oplan Galugad.”

Sa pagkakadiskubre ng sangkatutak na kontrabandong iyon, hindi maikakailang nakikipagsabwatan ang mga opisyal ng Bilibid sa sino mang nagpupuslit ng beer-in-cans na ito.

Maliban na lang kung ang pagpupuslit ay ginagawa nang paunti-unti dahil sa napakaluwag na pagpapatupad ng seguridad, hindi na natin kailangan ng isang napakahusay na imbestigador para malaman na ang mga ito ay ipinupuslit ng kahon-kahon.

oOo oOo oOo

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.