Sikat na lechonan sa Cebu sapul ng ASF

Sikat na lechonan sa Cebu sapul ng ASF

March 8, 2023 @ 10:05 AM 2 weeks ago


CARCAR CITY, Cebu -HINDI nakaligtas sa nakakahawang sakit na African Swine Fever (ASF) ang lungsod na ito na kilala sa pinaka-masarap na ‘lechon Cebu’ matapos makapagtala ng kaso ng ASG, iniulat kahapon.

Kaagad naman ipinag-utos ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia nitong Martes ang pagpapatupad ng mahigpit na kontrol sa hangganan sa Carcar City, southern Cebu na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga buhay na baboy, karne ng baboy, at sikat na Cebu lechon palabas ng Carcar City.

Ipinakalat na rin ang mga pulis at tauhan ng provincial veterinarian sa pitong access road papuntang Carcar City para magsagawa ng inspeskyon ng mga produktong baboy at baboy.

Ang Cebu ay ASF-free sa nakalipas na tatlong taon hanggang sa matukoy ang mga infected na baboy noong Marso 1, habang ang lungsod naman ng Carcar ang nangunguna pagdating sa Cebu lechon pati na rin ang masarap na chicharon na madalas dinadayo pa ng mga turista ang lungsod para sa mga masasarap na lechon at chicharon nito.

Nagsagawa na rin ng pagsusuri ang pamahalaang panlalawigan sa mga kalapit na local government units ng Carcar kung mayroon din silang mga baboy na infected ng ASF o wala.

Simula noong Marso 1, nakapagtala ng 30 baboy na mayroon ASF ang Carcar na may 15 barangay at 11 barangay na ang apektado ng ASF.

Pinalawak na rin ni Garcia ang pork ban sa buong Negros Island dahil hinala ng provincial veterinary na posibleng nagmula sa Negros Oriental ang mga baboy na positibo sa ASF sa Carcar City.

Makipagpulong na rin si Garcia sa mga hog raisers mula sa Carcar City at maghanap ng mga paraan para matulungan sila sugpuin ang virus at para hindi na lumawak ang maapektuhan lugar sa naturang probinsya.

Ang lalawigan ng Cebu ay isa sa pinakamalaking prodyuser ng baboy sa bansa na may P11B industriya ng baboy./Mary Anne Sapico