Siklistang Cagayanon nag-ikot sa buong bansa para sa libreng COVID-19 vaccine ng mga katutubong Agta

Siklistang Cagayanon nag-ikot sa buong bansa para sa libreng COVID-19 vaccine ng mga katutubong Agta

March 4, 2021 @ 10:48 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

CAGAYAN, Philippines – Patuloy ang pagtiyaga sa pag-iikot sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibisikleta ang isang siklista na mula sa bayan ng Baggao, ng lalawigang ito para makaipon at mabigyan ng libreng bakuna ang mga katutubong Agta sa Sierra madre.

Ayon kay Reynaldo “Igman” Tarubal, long distance cyclist, naisipan niya ang “Bike for a Cause” para magkaroon ng pondo ang Indigenous Peoples (IP’s) na hindi lamang manggagaling sa lokal na pamahalaan na pambili ng COVID-19 Vaccine.

Hindi alintana ang init ng panahon at buhos ng ulan na kanyang sinuong at panganib sa kanyang kalusugan lalo’t may banta pa rin ang COVID-19 habang siyang nagbibisikleta para makalikom ng pambili ng COVID-19 Vaccine.

Sinimulan ni ‘Igman’ ang pagbibisikleta sa Brgy. San Francisco, Baggao patungong Ilocos Region at ngayon ay nasa Quezon Province na kung saan target nitong matapos ang pag-iikot hanggang sa General Santos.

Sa kanyang pag-ikot ay may mga nagbibigay ng tulong sa kanya sa mga lugar na dinaraanan dahil sa kanyang adbokasya.

Kaalinsabay nito ay nanawagan si ‘Igman’ sa mga nais na magbigay ng tulong na makipag-ugnayan lamang sa lokal na pamahalaan ng Baggao.

Aniya, bagama’t malakas ang resistensya ng mga katutubo, kailangan pa rin nilang mabakuhanan laban sa naturang virus.

Samantala, bukod sa makapag-ipon para pambili ng bakuna, ay layunin din ng kanyang pagbibisikleta na matulungan ang gobyerno sa environmental awareness campaign.

Sinabi nito, para mapangalagaan ang kalikasan at makiisa sa mga programa ng pamahalaan na magtanim ng puno ng kahoy para hindi na muling maulit ang naranasang malawakang pagbaha nitong nakaraang taon.

Si Tarubal ay dating Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtrabaho sa Norwegian Polar Institute sa Svalbard subalit nawalan siya ng trabaho dahil sa nararanasan at banta ng pandemic virus.

Likas umano na matulungin si ‘Igman’ sa mga maralita at salat sa buhay na kanyang mga kababayan lalo sa katutubo. Rey Velasco


  •  
  •  
  •