Siklistang suspek sa pagpatay sa rider, tukoy na

Siklistang suspek sa pagpatay sa rider, tukoy na

November 9, 2022 @ 4:10 PM 4 weeks ago


Bulacan – Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng siklistang suspek na umano’y bumaril at nakapatay sa motorcycle rider sa bayan ng Norzagaray.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Michael Torrazo habang ang biktima ay si John Paul Benedict Cruz, 22, residente ng Brgy. Poblacion.

Sa report ng Norzagaray police, nangyari ang pamamaril bandang 10:20 ng gabi nitong Nobyembre 7 sa Villarama road, Brgy. Poblacion.

Ayon sa report, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hanggang sa matukoy ang isang saksing nagngangalang Vilma, 47, vendor ng naturang lugar.

Nalamang boluntaryong nakipag-ugnayan ang saksi bandang 10:30 ng umaga nitong Nobyembre 8 sa himpilan ng pulisya.

Sinasabing unang may hindi pagkakaintindiahan ang saksi at ang suspek na lulan ng mountain bike.

Nang umalis ang siklista ay may nakabanggang rider lulan ng Yamaha Aerox sa di-kalayuan.

Dahil dito, nagkaroon naman ng mainitang pagtatalo ang rider at ang siklista na umano’y bumunot at walang kaabog-abog na namaril.

Tinamaan ang rider sa kaliwang pisngi na agarang ikinamatay nito habang tumakas naman ang siklistang suspek sa direksyon pa- timog.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder. Dick Mirasol III