Manila, Philippines – Umani ng mga negatibong komento mula sa mga netizens hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang naging rambulan sa kalagitnaan ng laro ng Gilas Pilipinas at Australia sa Philippine Arena noong Lunes ng gabi.
Gayunpaman, hindi naman nagpatinag ang aktres na si Kris Aquino at nagpahayag ng kaniyang mas pinatatag na suporta sa grupo.
Sa Instagram post ng aktres, sinabi niya na naramdaman daw na dapat siyang magsalita matapos niya mabasa ang mga kritikal na komento laban sa Gilas Pilipinas.
Ibinahagi niya ang isang slideshow na naglalaman ng mga statement ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes, deputy coach Jong Uichico, at ni Terrence Romeo.
Sabi niya sa caption, “We did watch what transpired over & over again, even in slow-mo… The team is suffering enough, and they have given so much effort for our country. Hindi ba natin sila pwedeng damayan at suportahan ngayon na kailangan nilang maramdaman na ang mga Pinoy hindi nang-iiwan ng kapwa Pinoy?”
“Wag naman sanang mabura ng ilang minuto sa isang gabi ang lahat ng magagandang alaala nung mga panahon na dahil sa #GILAS naging taas noo tayo. (P.S. kung pipili lang ako ng coach & teammates sa kahit na anong mabigat na trabaho, sa nakita kong #unity & #bayanihan nila- sila ang pagdarasal kong maging kakampi.)”
Nakita ng mahigit sa 3.6 milyong followers ni Kris sa Instagram ang kaniyang post na siyang umani ng iba’t ibang reaksiyon at realisasyon.
Kabilang sa mga nakakita nito ay si coach Reyes na ibinahagi pa ang slideshow na ginawa ni Kris at may caption na “From the bottom of our #Puso we thank you for standing with us @krisaquino”
Si Reyes at ang ilang miyembro ng Gilas Pilipinas ay humingi na ng tawad sa nangyaring rambulan sa arena at sinabi sila ay handa sa anumang maging desisyon ng FIBA sa naturang insidente.
Samantala, ang player naman na si Terrence Romeo ay naninindigan pa rin na kung mangyari man ulit ang ganitong sitwasyon, ganoon at ganoo pa rin ang kaniyang gagawin para sa kaniyang kaibigan at naniniwala rin siya na iyon ang tama.
“Hindi kami proud dahil nakipag-away kami, proud kami kasi nagtulungan kami at hindi namin iniwan ang isa’t isa. Kaya mas pipiliin ko na nama-bash ng kahit sinong tao matulungan ko lang at ‘wag iwan ang mga kasamahan ko,” sabi ni Romeo sa kaniyang latest tweet.
“Pagnangyari ulit yon masasabi ko na ganun pa rin ang gagawin ko para sa mga kaibigan ko.”
“Para sa akin yun ang tama at paninindigan ko habang buhay. ‘Yan ang itinuro ko sa anak ko. Kahit anong mangyari wag mong iiwan ang kapatid, kaibigan, at ang family mo sa oras ng kagipitan.” (Remate News Team)