SILANG GRUMADWEYT SA 4PS

SILANG GRUMADWEYT SA 4PS

November 21, 2022 @ 11:26 AM 2 weeks ago


PATULOY na isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development katuwang ang lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang lugar sa bansa kaugnay sa pagbibigay parangal sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o mas kilala sa tawag na 4Ps.

Sila ‘yung pamilyang dating kabilang sa ‘marginalized sector’ ng lipunan na guminhawa na ang buhay sa pamamagitan nang pagtatapos ng kanilang mga anak sa kolehiyo at ngayo’y nakapagtratrabaho na sa pribadong kompanya o kaya naman empleyado na ng gobyernong sadyang tumutulong na upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga kaanak nito.

Layunin ng programang ito na tibagin ang ilang henerasyon nang kahirapang namamayani sa bawat pobreng pamilya sa pamamagitan ng edukasyon na itinuturing na natatanging solusyon dito.

Hindi ba’t sa bawat grumadweyt sa kolehiyo na miyembro ng pamilya ay panibagong pag-asa ng buong angkan ang inaasahan kung saan siya na ngayon ang tutugon sa mga gastusin ng kanyang kaanak hanggang makatapos din sa pag-aaral?

Patunay dito ang iba’t-ibang istorya ng benepisyaryo kung paano nila itinawid ang pagpapa-aral sa mga estudyante hanggang sa grumadweyt ito at maging titser,CPA,nars at iba pang propesyon kung saan hindi sapat ang buwanang ayuda ng 4Ps subalit nakatulong din bilang pamasahe,pambili ng pagkain at kagamitan sa eskwelahan.

Ilang milyong pamilya ngayon ang kailangang tugunan din ng gobyerno ang pangangailangan upang maiahon sa dekada nang kahirapang tanging ang magandang kinabukasan ng mga anak ang solusyon upang matuldukan na ito?

Sa madaling sabi,ang mga pamilyang itong sadyang walang kakayahang mapagtapos sa kolehiyo ang mga anak ang ipapalit ngayon ng gobyerno sa mga grumadweyt na benepisyaryo upang guminhawa rin kahit paano ang buhay ng mga kaanak nila.

Ito ang tunay na hangarin ng programang edukasyon pa rin ang sangkalan ng pag-ahon sa kahirapan ng bawat pamilyang Pilipino.