SILANG HINDI MAGARBO ANG PASKO

SILANG HINDI MAGARBO ANG PASKO

December 23, 2022 @ 1:15 PM 2 months ago


PARA sa ilang milyong kababayan na nakararanas pa rin ng kahirapan, ang okasyong ito ay para lang sa mayayamang may pambili ng panghanda ngayong kapaskuhang na naging tradisyon nang may masasarap na pagkain sa Noche Buena.

Ngunit paano nga ba idinaraos ng milyon-milyong mamamayan ang pagsapit ng kapanganakan ni Hesus kung saan karamihan sa kanila’y salat ang kinikita sa pambili pa lang ng pang-araw-araw na pagkain ng pamilya nila?

Kabilang d’yan ang mga traysikel at jeepney drayber na halos kakarampot na lang ang kinikita bunsod sa madalas na pagsirit ng presyo ng krudo’t gasolinang dito na lang napupunta ang kanilang salaping kinita sa maghapon sa halip na pantawid sa umaasa nilang pamilya.

Kasama rin ang mga ordinaryong mangingisda’t magsasakang wala ngang naitatabi upang tugunan ang pangangailangan ng pamilya nila dahil na rin sa hirap ng buhay na pinalala pa noong tumama ang pandemya sa bansa.

Ganoon din ang isang kahig at isang tuka na mga obrerong nawalan ng trabaho bunsod sa pagsara ng mga industriya dulot ng krisis sa sanlibutang umaasa ngayon ng ayuda mula sa pamahalaan upang buhayin ang kanilang pamilya.

Ilan nga ba silang mga kababayan natin ang uunahin munang hanapin ang kwartang pambili ng bigas at ulam kesa sa panghanda ngayong kapaskuhang matagal nang kinalimutan ang Noche Buena na ‘yan?

Bagaman nakatutok ngayon ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na tugunan ang samu’t saring suliraning kinakaharap ng itinuturing na nasa laylayan ng lipunan subalit ilang taon pa ba ang bubunuin upang tuluyan na silang makabangon mula sa ilang dekada nang kahirapan sa bansa.

Ibig sabihin,mararamdaman lang ng mga pobreng mamamayan ang tradisyunal na Pasko kapag may masarap na pinagsasaluhang pagkain sa hapag kainan o kapag naibalik na muli ang kabuhayan nilang matagal nang ipinagkait ng tadhana dahil sa isinaisantabi ng gobyerno ang kapakanan nila.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]