SILANG INAKALANG MABUBUTING PULIS

SILANG INAKALANG MABUBUTING PULIS

June 5, 2021 @ 11:14 PM 2 years ago


PARA sa isang organisasyong sumumpa “to protect and to serve” ang mamamayan ng bansang ito, may pagdududa ngayon kung kaya ba ng Philippine National Police (PNP) na pigilan ang mga miyembro nito sa pamamaril sa mga inosenteng sibilyan.

Nang walang awang patayin ni Senior Master Sergeant Jonel Nuezca ang mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ilang araw bago mag-Pasko noong nakaraang taon sa Tarlac, sinabi ng PNP na isa lamang itong isolated case at hindi tamang husgahan ang buong pulisya.

Pero nito lamang Lunes, sa Fairview, Quezon City, hinablot ng lasing na si Master Sergeant Hensie Zinampan ang buhok ng kanyang kapitbahay ‘tsaka malapitang binaril gamit ang kanyang service pistol, na kaagad ikinamatay ng biktima. Tulad ng mga Gregorio, si Lilybeth Valdez, 52, ay pinatay sa harap ng kanyang pamilya.

* * *

Nang maaresto, sinabi ni Zinampan na siya’y inosente. Marahil kung hindi nakuhanan ng video ang pagpatay, igigiit niyang isa siyang mabuting pulis. Sa katunayan, ilang araw makaraang mag-viral ang video ng pagpatay ni Nuezca sa mag-inang Gregorio, nagbahagi ng mahabang Facebook post si Zinampan upang idepensa ang reputasyon ng PNP at ng kanyang tsapa.

Ito ang ipinost ni Zinampan noong Disyembre 29, 2020 sa FB: “I am PMSg Hensie A Zinampan 14 -years in serving and protecting taas noo kong pinapanindigan ang integridad ng aking uniporme. Buong puso ang dedikasyon sa trabaho. I AM PROUD TO BE A GOOD COP.

“While there are unfortunate incidents like this, the vast majority of you(r), PNP perform their sworn duties everyday with honor and integrity to protect and serve the people.

“The sin of Nuesca is not the sin of the entire PNP, as we have seen during the past disasters and this pandemic, we place our lives on the line as first responders and frontliners.”

* * *

Sigurado akong ito ang nasa puso ni Zinampan noon, hanggang lumipas ang limang buwan at walang awa rin niyang pinatay ang kanyang walang kalaban-labang kapitbahay, na nagmakaawa pa para sa sariling buhay.

Gen. Guillermo Eleazar, panahon na sigurong malaman kung ilan pa sa inyong mga tauhan ang nagsasabing mabubuti silang pulis habang pinaglalabanan ang kademonyohan sa kanilang mga utak.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.