SIM card bill isabatas na vs ‘personalized’ text scam-Poe

SIM card bill isabatas na vs ‘personalized’ text scam-Poe

September 4, 2022 @ 3:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on public services sa pamumuno ni Senador Grace Poe hinggil sa kumakalat na “personalized” text scam at maisulong ang pagsasabatas ng subscriber identity module (SIM) card registration bill.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na isasagawa ang imbestigasyon kasama ang Senate committee on committee on trade, commerce and entrepreneurship, sa Miyerkoles bilang tugon sa bagong text scam at matukoy kung paano tutugunan ang ganitong uri ng banta sa cybersecurity.

“Dahil sa kawalan ng umiiral na batas, ang hackers, spammers at phishers ay malayang nakakapanloko dahil naitatago nila ang kanilang pagkakakilanlan. Worse, they are getting more sophisticated, adaptive and personalized in their ways with their latest targeted scam messages already containing names of mobile users. Paano at saan nila nakuha ang mga personal na impormasyong ito? This is a very dangerous and alarming matter that needs urgent answers and solutions,” ani Poe.

Sa Pilipinas, hindi obligado ang SIM card registration kaya sinasamantala ng criminal ang naturang policy gap upang maisagawa ang criminal activities at makaiwas sa pananagutan sa batas dahil walang pagkakakilanlan.

Ayon kay Poe, nakatakda sa Senate Bill No. 99 o ang “Subscriber Identity Module Card Registration Act”, inaatasan ang lahat ng telcos na kailangang iparehistro ng kanilang subscriber ang SIM card bago activation at magamit. Kapag hindi ito nagawa, ikakansela ang SIM card.

“It is worth stressing that despite being mandatory, the privacy of the consumer is given the highest regard. The measure prohibits the disclosure of information obtained in the registration process, except upon a court order, written consent of the subscriber or in compliance with the Data Privacy Act. Any breach of confidentiality by the telco shall be penalized,” paliwanag ni Poe.

Naniniwala si Poe na sakaling maisabatas ang SIM card registration, makalilikha ng mas ligtas at seguradong paggamit ng mobile phone at cyberspace sa bansa.

“Let’s intensify the crackdown versus these scammers by institutionalizing a protection mechanism for millions of mobile phone users in the country,” ayon kay Poe. Ernie Reyes