SIM Card Registration Bill, banta sa data privacy – Brosas

SIM Card Registration Bill, banta sa data privacy – Brosas

September 30, 2022 @ 4:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala si Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas sa Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Bill na matatandaan niratipikahan na ng Kamara.

Ayon kay Brosas, posibleng maging banta ito sa data privacy ng mga Filipino at hindi naman epektibong malalabanan ang mga text scam o “smishing”.

“This SIM card registration bill, which is now to be transmitted in the Office of the President for signature, puts forward a lopsided presumption that all Filipinos are considered as potential criminals and evading the law unless registered as SIM card holders,” pahayag ni Brosas ngayong Biyernes, Setyembre 30.

“Wala namang kasiguraduhan na kapag nirehistro ng lahat ang kanilang SIM cards ay matitigil na ang mga spam messages at trolls dahil sa totoong buhay, may mga malalaking tao na nakikinabang dito,” dagdag pa niya.

Maliban dito, nababahala rin si Brosas dahil posibleng mas dumami pa ang smishing incident dahil ang lahat ng datos ng mga Filipino ay mailalagay sa isang database sa oras na maipatupad na ang sim card registration.

“Ngayon pa lang hindi na maresolba ang cyber attacks at data breach, paano pa pag nasa kamay na ng PTEs [public telecommunications entities] ang data ng konsyumers. Ang unahin ng gobyerno, ayusin ang implementasyon ng kasalukuyang data privacy measures.”

Dahil dito ay nanawagan si Brosas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-veto ang SIM Card Registration Bill. RNT/JGC