SIM card registration bill ‘di susukuan ng Senado

SIM card registration bill ‘di susukuan ng Senado

April 18, 2022 @ 9:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi susuko ang Senado at patuloy nilang wawakasan ang electronic at mobile phone-aided criminal activities, sinabi ni Senator Grace Poe nitong Sabado.

Ito ay matapos i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang SIM Card Registration bill, bunsod ng mga alalahanin tungkol sa malayang pananalita at data privacy.

Bilang isa sa mga sponsor ng Senate Bill 2395 na inaprubahan noong Disyembre 2021, sinabi ni Poe na bawat araw na walang proteksyon ang mga Pilipino mula sa panukala ay patuloy na mabibiktima ang mga ito.

Idinagdag niya na ang pagsalakay ng cybercrimes at fake news ay nakaapekto sa demokrasya ng bansa.

“Our laws and jurisprudence confirm that freedom of expression is not absolute, as in the cases of obscenity, libel, or when public safety and order are at stake,” aniya sa isang pahayag.

Sinabi ni Poe, na namumuno sa Committee on Public Services, na binibigyang-diin ng veto ang pangangailangan para sa patuloy na pagsisikap, kapwa pampubliko at pribado, upang makahanap ng mga epektibong paraan upang maprotektahan ang mga mamamayan at demokrasya.

“We count on the Congress to act in a timely manner in reconsidering the bill for approval in accordance with the legislative process,” giit pa niya.

Sumang-ayon naman si Senador Panfilo Lacson sa presidential veto, na nagsasabi na ang pag-uutos sa pagpaparehistro sa social media ay maaaring lumabag sa “one subject, one title rule” sa ilalim ng 1987 Constitution, na nagsasaad na “every bill passed by the Congress shall embrace only one subject which shall be expressed in the title.”

“Not to mention the absence of safeguards or guidelines in the said provision not even covered by the title of the measure itself,” dagdag pa ni Lacson.

Idinagdag niya na ang kanyang bersyon ng panukalang batas ay nangangailangan lamang ng mandatoryong pagpaparehistro ng lahat ng SIM (subscriber identity module) card sa mga service provider.

Gayunpaman, ibang-iba ang reaksyon ni Senate President Vicente Sotto III kaysa sa kanyang running mate noong Biyernes kasunod ng pag-veto ng Pangulo.

“Ayos! Tuloy ang mga bombing and blackmail and scams using prepaid sims,” saad naman sa kanyang Tweet.

Kinatigan din ni House of Representatives Deputy Speaker Wes Gatchalian ang pagtutol ng Pangulo kahit siya ang principal author ng panukala, sinisisi ang pagsingit ng ilang probisyon, na aniya ay dapat pag-aralan pa at isampa bilang hiwalay na panukalang batas.

“Unfortunately, the last-minute insertion of Senator (Franklin) Drilon to include the registration of social media providers is totally not in line with the essence of this bill. There is nothing in the bill specifying clear guidelines and how to register in such a broad environment,” ani Gatchalian.

Pinalagan naman ito ni Drilon at sinabing wala sa paksa ang probisyong ipinasok niya sa panukalang batas.

“It’s not a last-minute insertion. We studied it and introduced it in the Senate plenary as part of our humble contribution in the fight against trolls, fake news and other internet-related criminal activities,” giit ng senador.

Idinagdag ni Drilon na 22 senador ang bumoto pabor sa panukala sa ikatlong pagbasa at pinagtibay ng House of Representatives ang kanilang bersyon na may kaunting pagbabago.

Ang bicameral report ay niratipikahan noong Pebrero. RNT