SIM card registration bill, muling ikinasa ni Zubiri sa pagkahuli sa 2 extortionists

SIM card registration bill, muling ikinasa ni Zubiri sa pagkahuli sa 2 extortionists

August 25, 2022 @ 8:32 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling isinulong ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang pagsasabatas ng SIM card registration bill matapos madakip ang dalawang extortionists sa kanyang tanggapan hinggil sa isang political convention.

Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na humingi siya ng tulong kay Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Ronald Azurin Jr., matapos makatanggap ng serye ng text messages noong Agosto 14 sa dalawang indibiduwal na nagpanggap bilang sina Siquijor Governor Jake Vincent Villa at Board Member Abner Lomongo, na humihingi ng pondo sa sinasabing political convention.

Sa kanyang personal na tawag, mahigpit na itinanggi ng tunay na Villa ang pagkakasangkot sa naturang convention.

“I have heard from some of my colleagues that they have been victim to similar schemes before, so I was determined to work with the PNP to put a stop to these guys,” ayon kay Zubiri.

Ikinuwento ni Zubiri na matapos siyang magsumbong, kaagad inatasan ni Azurin ang Criminal Investigation and Detection Group-Regional Field Unit National Capital Region na magbuo ng plano at magsagawa ng police entrapment operation.

Naisagawa ang entrapment operation nang sumunod na araw, Agosto 15 matapos pumayag ang isang staff ni Zubiri na makipagkita sa mga suspek sa Castillejos, Zambales, para sa turnover ng pondo.

Dinakip sa kasong robbery, extortion, estafa, at illegal possession of firearms sina Bryan Ledesma, 23, at Danilo Guillermo, 46, kapwa residente ng Castillejos, Zambales.

“Our investigators discovered that Danilo Ledesma was previously arrested on illegal drugs charges last year in Castillejos, Zambales,” ayon kay Azurin.

Nakumpiska ng pulisya sa mga suspek ang boodle money kabilang ang isang tunay na marked PHP1,000 bill, isang .45-caliber pistol na walang serial number, pero may pitong bala at nabigo silang magpakita ng lisensiya.

“I thank the PNP, particularly CIDG-RFU NCR, for leading the operation, as well as Southern DFU CIDG, and the Castillejos Police Station, Zambales PPO, where the suspects were brought,” ayon kay Zubiri.

Hinggil naman sa kanyang panukalang SIM card registration, sinabi ni Zubiri na: bilang senador, itong nangyari sa akin ’yung isa sa mga dahilan kung bakit ko patuloy na isinusulong ang SIM Card Registration Bill. Marami na pong biktima ng ganitong mga modus, kaya ni-refile ko po talaga itong Senate Bill No. 82, o ang SIM Card Registration Bill.

“ I know that it was vetoed by the last administration, but I am hopeful that we can pass it this Congress,” giit ni Zubiri. Ernie Reyes