SIM card registration bill pasado na sa Kamara

SIM card registration bill pasado na sa Kamara

September 19, 2022 @ 5:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pasado na ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang pagpaparehistro ng lahat ng postpaid at prepaid mobile phone subscriber identity module (SIM) cards na naglalayong mabawasan ang illegal na aktibidad gamit ang mga cellphones.

Sa naging botohan ay 250 mambabatas ang bumoto pabor, 6 negative at 1 ang abstention.

Sa ilalim ng inaprubahang panukala ang bawat public telecommunications entity (PTE) at authorized seller ay oobligahin ang ‘end user’ o ang SIM card user, Pilipino man o foreigner, na irehistro ang prepaid o postpaid SIM

Isang registry o listahan ng lahat ng subscriber kalakip ang kanilang assigned sim card number ang bubuoin ng PTE.

Ang end user ay kailangan sagutan ang form na inisyu ng PTE kalakip ang pagpapakita ng valid identification card at anumang impormasyon sa registration document ay ituturing na confidential maliban na lamang kung pahintulutan ng subscriber sa pamamagitan ng isang kasulatan.

Dahil rehistrado na ang SIM cards, anumang impormasyon ay kailangan na ilabas kung ipaguutos ito ng korte o law enforcement na gagamitin para sa isang imbestigasyon.

Ang mga SIM cards na naibenta o inisyu na bago pa maging epektibo ang batas ay kasama rin sa ipapa rehistro.

Sa oras na maisabatas ay nasa P300,000 hanggang P1 million ang ipapataw na multa sa PTE sa oras na lumabag ito habang suspensyon sa operasyon at multang hanggang P50,000 kung ang violator ay isang isang authorized seller.

Si House Speaker Martin Romualdez ang syang pangunahing may akda ng panukala.

Ang SIM Card registration ay noon pang 15th Congress naihain sa Kamara o may 12 taon subalit hindi pa rin naisasabatas.

Umaasa ang mga mambabatas ngayong 19th Congress na maisasabatas na ito kasunud na rin ng naglipana at nakakaalarma nang mga spam text messages na ipinadadala sa mga users na naglalaman na ng private information gaya ng kanilang buong pangalan na malinaw na paglabag sa Data Privacy Act.

Sa ngayon ay tanging postpaid mobile subscriptions lamang ang nairerehistro subalit mas malaking populasyon ang gumagamit ng prepaid. Gail Mendoza