SIM Registration Act, ipatutupad na simula Disyembre 27

SIM Registration Act, ipatutupad na simula Disyembre 27

November 17, 2022 @ 9:10 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaasahan ni Senador Grace Poe na epektibong maipatutupad ng pamahalaan ang Republic Act 11934, o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act bago magtapos ang taon.

Sa kanyang pag-isponsor ng P11.32 bilyong panukalang badyet ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa plenaryo ng Senado, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na mayroon nang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas.

Aniya, ibinahagi ni DICT Secretary Ivan Uy, na inaasahan ng ahensiya na nakatakda nang ipalabas ang IRR sa Disyembre 12 ng batas.

Magkakaroon ng public hearing sa Disyembre 5 upang makuha ang inputs ng mga stakeholders.

“December 12 is the issuance of the IRR, so it will be effective definitely on December 27,” aniya na tumutukoy sa target ng ahensiya.

Nilagdaan noong Oktubre 10, 2022 ang SIM Registration Act na inaatasan ang lahat ng iparehistro ang SIM bilang pananggalang sa mobile phone-aided crimes tulad ng text scams.

Kailangan munang iparehistro ang SIM bago ito magamit.

Kailangan iparehistro ang lahat ng umiiral na SIM sa loob ng 180 araw na maaaring palawigin pa ng 120 araw pa, ayon kay Poe.

Sinabi pa ni Poe na ipaliliwanag ng IRR ang detalye sa pangangailangan at proseso sa pagpaparehistro ng SIM nito upang mabigyan ng sapat na kaalamanan at panahon ang telecom companies at publiko na tumupad.

“Hinihintay ng telcos ang IRR upang maging malinaw sa kanila kung paano pangasiwaan ang mga texts, “ayon kay Poe saka tinukoy niyang nagsagawa ng inisyatiba ang mga telcos upang labanan at masugpo ang spam text at text scams.

Inaatasan ng batas ang National Telecommunications Commission sa pakikipag-ugnayan sa DICT, National Privacy Commission, telcos at consumer groups, na magpalabas ng IRR sa loob ng 60 araw matapos maging epektibo ang batas. Ernie Reyes