SIM Registration Bill, niratipikahan na sa Kongreso

SIM Registration Bill, niratipikahan na sa Kongreso

September 29, 2022 @ 5:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ratipikado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang SIM Registration Bill.

Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na sakaling maging batas ay ito ang kauna-unahang panukala na magiging ganap na isang batas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“This may be the first of the many legislative measures that will be signed and enacted into law by President Marcos, Jr. in his six years of office.”

Ang “Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act” ay unang panukalang naaprubahan sa bicameral ng Kamara at Senado sa 19th Congress.

Napapanahon ayon kay Romualdez ang pagpapasa sa panukala dahil sa patuloy aniyang pagkalat ng mga malisyosong text messages na ang layunin ay makapandaya o makapagsamantala sa mga cell phone users.

“This Act will not only help promote responsibility in the end users of SIMs for electronic devices but also provide our law enforcers the necessary tools to resolve crimes involving telecommunication devices,” ayon kay Romualdez.

Si Romualdez ang pangunahing may-akda sa SIM Registration Act at kasamang may-akda sina Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.

Naging mabilis aniya ang pag-aapruba ng Kongreso sa nabanggit na panukala dahil na rin sa masinop na koordinasyon nina Senate President Juan Miguel Zubiri , ng liderato ng Kamara at PLLO Secretary, Mark Leandro “Dong” Mendoza.

Tiniyak din ni Romualdez na hindi mauulit ang pag-veto sa SIM Card Registration Act ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“This bill no longer contains the controversial provision that orders the mandatory registration of social media accounts.”

Nakapaloob sa batas na lahat ng SIM subscribers ay obligadong magpa-rehistro sa loob ng 180 araw na ang panukala ay maging ganap na isang batas at kapag hindi naipa-rehistro ay agarang ma-deactivate ang SIM card.

May parusa ring naka-abang para sa tatangging magparehistro ng SIM, breach of confidentiality, paggamit ng pekeng pagkakakilanlan o paghahain ng pekeng dokumento sa pagpaparehistro, paggagaya sa mga registered SIM, pagbebenta sa mga nakaw na SIM, at paglilipat o pagbebenta nito nang hindi sinusunog ang tamang proseso. Meliza Maluntag