SIM registration centers bubuksan sa mga liblib na lugar – NTC

SIM registration centers bubuksan sa mga liblib na lugar – NTC

December 14, 2022 @ 6:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magbubukas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng SIM registration facilities sa mga liblib na lugar para sa mga residenteng walang koneksyon sa internet.

Ito ang sinabi ni Engr. Edgardo Cabarios, consultant ng NTC nitong Miyerkules, Disyembre 14 kung saan batay sa implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Law, dapat na makipag-ugnayan ang kanyang ahensya at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga lokal na pamahalaan para sa pagbuo ng mga registration centers.

“Of course, with the assistance po ng mga barangay captains/village chiefs doon sa mga lugar na iyon ay iku-coordinate po iyan para po iyong ating mga kababayan na walang access, pupunta lang sa center at doon na po magrehistro, doon sa center. Aalalayan po sila noong instructor,” ani Cabarios kasabay ng public briefing.

Batay sa IRR, dapat na isagawa electronically ang SIM registration sa pamamagitan ng isang secured platform o website na inilaan ng mga telcos.

Dagdag pa, maaari rin na maglatag ang mga telco firms ng registration facilities katuwang ang Department of the Interior and Local Government at Department of Education.

Dapat na itayo ang mga registration areas sa mga liblib na komunidad sa bansa 60 araw makalipas ang pagpapatupad sa SIM Registration Law. RNT/JGC